Hirit na dagdag pondo ng PhilHealth sa susunod na taon, hindi pinagbigyan ng DBM

Hindi pinagbigyan ng Department of Budget and Management (DBM) ang P138 billion budget proposal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) para sa susunod na taon.

Sa pagdinig ng House committee on Public Accounts at House Committee on Good Government and Public Accountability, sinabi ni PhilHealth Acting Senior Vice President for Actuarial Services Nerissa Santiago, na kapareho lamang ng pondo nila ngayong taon na nagkakahalaga ng P71 bilyon ang inaprubahan ng DBM.

Humingi ng budget increase ang PhilHealth dahil sa projection na hanggang sa susunod na taon na lamang ang actuarial life ng ahensya, bunsod ng epekto ng COVID-19 sa kanilang koleksyon at inilalabas na pera.

Samantala, nagbanta naman ang mga mambabatas na ipapa-contempt ang mga opisyal ng PhilHealth, na hindi nakadalo sa pagdinig dahil sa umano ay health emergency.

Ayon kay Anakalusugan Partylist Representative Mike Defensor, chair ng komite, dapat ay mayroon silang maipresintang katibayan na sila ay may sakit at hihingin ito ng Kamara sa susunod na pagdinig.

Sinabi naman ni Deputy Speaker at Sagip Partylist Rep. Rodante Marcoleta, na nagkakaroon ng ‘malingering illness’ ang mga PhilHealth officials na sentro ngayon ng imbestigasyon dahil sa pagkakasangkot sa anomalya.

Tatlong matataas na opisyal ng PhilHealth anghindi nakadalo sa pagdinig kabilang na si PhilHealth President and CEO Ricardo Morales, na sumama ang pakiramdam kaya nag-leave sa zoom hearing; PhilHealth Senior Vice President Rodolfo del Rosario, na naka-confine umano sa ospital upang palitan ang baterya ng pace maker; at Vice President Arnel de Jesus.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.