Hong Kong cargo vessel dapat managot! Banggaan sa Mindoro malinaw na hit-and-run

Para sa grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya), “crystal clear hit-and-run” ang nangyaring banggaan ng Pinoy fishing boat at Hong Kong cargo vessel sa Occidental Mindoro noong Linggo.

Tumama ang Vienna Wood sa F/V Liberty Singko at iniwan itong nakalutang bandang ala-una ng madaling-araw noong Linggo, Hunyo 29.

Ang cargo ship ay MV Vienna Wood, na rehistrado sa Hong Kong, isang special administrative region ng China.

Hinahanap pa rin ng mga awtoridad ang 14 katao na sakay ng Liberty Singko.

“Ayaw na nating maulit ang kawalang-hustisya sa ating mga mangingisda,” banggit sa isang pahayag ni Pamalakaya national chairperson Fernando Hicap.

“Dapat mapanagot ang may-ari at kapitan ng barko ng China sa pagbangga at pagsagasa sa karapatan ng mga Pilipinong mangingisda sa ating sariling karagatan,” aniya pa.

Noong Hunyo rin ng nakaraang taon, tinamaan ng isang Chinese fishing vessel ang isang Pinoy fishing boat na nakadaong sa Reed Bank sa West Philippine Sea, na pinipilit ng China na bahagi ng kanilang teritoryo.

Lumubog ang Gem-Ver 1 sakay ang 22 mangingisdang Pinoy ngunit hindi tinulungan ng Chinese vessel. Isang Vietnamese fishing boat ang sumagip sa mga Pinoy.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.