Hontiveros bumuwelta kay Mayor Sara Duterte, Bakit ako pinagbibitiw mo?

Binuweltahan ni Sen Risa Hontiveros ang banat na pagpapabitiw sa kaniya sa puwesto ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.

Ayon sa senadora, hindi siya ang dapat na pinagbibitiw ni Duterte-Carpio dahil ginagampanan niya ang kaniyang trabaho.

Ang dapat umanong pinagbibitiw ng alkalde ay iyong dahilan ng pagkasawi ng libo-libong tao, nagnakaw sa gobyerno at nagtulak ng takot sa mga bakuna.

Una rito, sinabi ni Duterte-Carpio na dapat magbitiw si Hontiveros dahil panay batikos lang at walang alok na solusyon sa problema ng bayan.

Ginawa ito para ipagtanggol si Public Attorney’s Office chief Atty. Persida Acosta na pinagsabihan ni Hontiveros na magbitiw dahil nag-udyok umano ng takot sa lahat ng uri ng bakuna ang hindi patas na imbestigasyon sa Dengvaxia controversy.

“Una, ang hiling na magbitiw si Acosta ay bahagi ng solusyon. Sa kanyang pagbibitiw, mabubura ang pseudo-science, takot at kasinungalingan na bumalot sa isyu ng Dengvaxia. Masisigurong magiging pantay ang imbestigasyon sa isyu, matitigil na ang mga haka-haka na ito ay pinupulitika at mababawasan ang takot at pangamba ng publiko. Para sa isang tao na ayaw sa kapalpakan, nakakapagtaka ang pagdepensa ni Mayor Sara kay Acosta,” sabi ni Hontiveros.

“Pangalawa, nakakalungkot na ako ang pinagbibitiw ni Mayora sa posisyon imbes na yung mga taong pasimuno sa pagpatay ng libo-libong tao, ang mga taong nagtanggal ng tiwala sa vaccination program ng gobyerno, ang mga nangurakot sa kaban ng yaman, ang mga nagsuko ng ating soberanya sa West Philippine Sea at yung mga taong nakipagsabwatan sa mga Marcos para baluktutin ang kasaysayan. Ano kaya ang dahilan at bakit hindi mausig ni Mayor Sara ang mga ito?,” dagdag nito.

Ayon kay Hontiveros, lagi siyang iniinsulto at kinukutya ng alkalde tulad nung tutulan niya ang pagpapababa sa 12-anyos ng minimum age of criminal responsibility (MACR).

Sinabihan siya ng alkalde na lumabas sa kalsada para malaman ang katotohanan ukol sa mga bata.

“Excuse me, pero nagsimula ako bilang community organizer ng mga magsasaka at mangingisda. At pasensiya na Mayora, pero ayon sa pinakahuling survey ng Social Weather Station, mayorya sa Filipino ay tutol na ibaba ang MACR. Yan ang reality check! Pardon my French, but I’m not the one with my head in my ass,” sabi ni Hontiveros.

Facebook Comments

2 thoughts on “Hontiveros bumuwelta kay Mayor Sara Duterte, Bakit ako pinagbibitiw mo?

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.