House Speaker Cayetano, muling idiniin si Rep. Velasco sa ‘coup’ attempt laban sa kanya

Muling itinuro ni House Speaker Alan Peter Cayetano si Marinduque Representative Lord Allan Velasco bilang nasa likod ng hindi natuloy na ‘coup’ attempt laban sa kanya.

Sa naging panayam sa leader ng Kamara sa isang radio program, tahasan nitong sinabi na si Velasco ang nasa likod ng makailang-ulit nang planong kudeta sa speakership post.

Diin ni Cayetano na malinaw naman ang kanilang usapan noong una na dapat ay suportahan nila ang isa’t isa sa panahaon ng kanilang pag-upo bilang House Speaker ngunit sa halip ay intriga aniya ang nakuha nito mula kay Velasco.

“Hindi ako paikot-ikot. He’s been involved and he’s involved in the intrigue sa Congress. So, ang usapan namin, during my time, suportahan niya ‘ko. During his time, suportahan ko siya. Pero hindi talaga ako nakatikim ng suporta sa kanya e,” ani Cayetano.

Bukod naman dito ay pinalagan din ni Cayetano ang umano’y bagong leadership na binubuo ni Velasco oras na maupo ito bilang speaker.

“Ang usapan namin ang magpapalit kami lang. At worse, pati ‘yung Committee on Accounts. Hindi magpapalit ‘yung iba kasi ayaw natin maantala ‘yung programa ng gobyerno, lalo po ngayon, COVID ngayon. We cannot afford one day of vacuum or walang leadership sa Kongreso. Any talks about the leadership, about change, maapektuhan ang budget. Ayoko po na ‘yung budget, mahalo sa politika. Gusto ko pong matapos lang muna ang usapin,” diin ni Cayetano.

Sa isa namang privilege speech ngayong hapon ay ipinaalala ni Capiz Representative Fredenil Castro kay Velasco na sa term sharing agreement tanging mapapalitan lamang ay ang pwesto ng Speaker at Chairman ng Committee on Accounts.

Iginiit pa ni Castro na ipinakita lamang ni Velasco ang kanyang tunay na pagkatao.

Sumbat pa nito na hindi nagtrabaho, walang iniambag, at hindi rin dinepensahan ni Velasco ang Kamara kaya papaano sila susunod sa kanya.

Punto pa ng mambabatas na ang Office of the Speaker ay kaisa at kapantay dapat sa trabaho at tagumpay ang Speaker gayundin sa dedikasyon sa publiko at pagtrato sa mga kasamahan na may paggalang.

Umugong ang balita sa pagpapalit ng liderato kasunod ng pagkwestyon ng ilang mambabatas sa hindi umano pantay na alokasyon ng pondo para sa infrastructure projects ng bawat distrito.

Kung matatandaan may term sharing agreement sa pagitan ng dalawa kung saan labing limang buwan uupo si Cayetano bilang Speaker habang si Velasco na ang pupuno sa nalalabing dalawampu’t isang buwan.

Desidido naman si Cayetano na sumangguni pa rin kay Pangulong Duterte bago ang nakatakdang pagtatapos ng kanyang termino bilang speaker.

“Ang usapan naman, ako, I told the President I will go to him when it comes to November. I will seek his guidance as head of the coalition, then we will see what will happen,” ayon sa House Speaker.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.