House speakership post, nakasalalay pa rin sa kamay ng mga mambabatas

Kapwa iginiit nina Deputy Speaker Dan Fernandez at LRay Villafuerte na hindi pa pinal ang naging kasunduan sa pagitan nina House Speaker Alan Peter Cayetano at Marinduque Representative Lord Allan Velasco.

Ani Fernandez, para sa kaniya ay payo lamang ang ibinigay ni Pangulong Duterte pabor kay Marinduque Representative Lord Allan Velasco na umupo bilang susunod na speaker ng 18th Congress.

Pero hindi aniya nito sakop ang mahigit 300 kongresista sa term-sharing agreement dahil ang kasunduan ay sa pagitan lamang ng dalawang panig.

Sa kabila nito ay nilinaw naman ni Fernandez na personal nitong nirerespeto ang pasya ng Pangulo, subalit dadaan pa aniya sa plenaryo ang usapin at magkakaroon muna ng botohan para sa posisyon bilang House Speaker.

Ito rin ang ipinunto ni Villafuerte at sinabi na nakasalalay pa rin sa desisyon ng mga kongresista ang isyu sa pagpapalit ng Speaker sa isasagawang botohan.

Pagtitiyak naman nito na igagalang at kikilalanin ni Cayetano ang kasunduan sa pagitan nila ni Velasco.

Kailangan lamang din aniyang tiyakin ni Velasco sa mga kongresista na walang magiging palitan sa committee chairmanships at maipapasa ng maayos ang pambansang pondo.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.