Ilan sa mga legasiya ni dating Pangulong Noynoy Aquino, kinilala ng mga mambabatas

Bukod sa pakikiramay sa pagpanaw ni dating Pangulong Noynoy Aquino, ay kinilala ng ilang mga mambabatas ang legasiya ng namayapang presidente.

Ayon kay ACT-CIS Partylist Representative Niña Taduran, bagamat may ilang isyu na kinaharap marami ring naging ambag sa bayan si Aquino.

Partikular dito ang pag-akyat ni PNoy ng isyu sa West Philippine Sea sa Permanent Court of Arbitration, na naipanalo naman ng Pilipinas.

Kapwa naman pinuri nina AKO Bicol Partylist Rep. Alfredo Garbin Jr. at Bagong Henerasyon Partylist Rep. Bernadette Herrera, ang maayos na transition ng Aquino administration patungo sa liderato ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Herrera, marami sa mga proyekto sa panahon ni PNoy ang naipagpatuloy ngayong administrasyon.

Napasalamat naman si ANAK MINDANO Party-list Rep. Amihilda Sangkopan sa mga landmark legislation ni Aquino, tulad ng Anti-Enforced or Involuntary Disappearance Act, Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012, Enhanced Basic Education Act of 2013 ,higit lalo ang pagbuo sa Framework Agreement on the Bangsamoro at ang Comprehensive Agreement on the Bangsamoro noong 2012 at 2014.

Bagamat nagkaroon ng pagkakaiba sa paniniwalang political, nananatili namang mabuting magkaibigan sina Aquino at ANAKALUSUGAN Partylist Rep. Mike Defensor na nagkasama noong 11th Congress.

Para naman kay AAMBIS-OWA Partylist Rep. Sharon Garin, ang economic policy ng Aquino Administration ay nakatulong sa bansa, na harapin ang paunang bugso ng epekto ng COVID-19 pandemic.

Ilan pa sa mga mambabatas na nagpaabot ng pakikiramay ay sina Senior Citizen Partylist Rep. Rodolfo Ordanes, House Transportation Chair at Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento, Ang Probinsyano Partylist Rep. Ronnie Ong, Deputy Speaker Strike Revilla at Albay 1st District Rep. Edcel Lagman.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.