Ilang malalaking partido, nagpahayag ng suporta kay Mayor Sara sa 2022 election

Tiniyak ng mga kaalyado ni Davao City Mayor Inday Sara Duterte na solid para sa kanya ang mga boto sa Mindanao sakaling tumakbo ito sa Presidential race sa 2022.

Ayon sa isang opisyal ng Hugpong ng Pagbabago, solid Sara Duterte ang Mindanao sa kabila ng mga agam-agam na mahahati ang boto ng rehiyon kung tatakbong presidente si Senator Manny Pacquiao.

Sa pinakahuling survey naman ng Pulse Asia, number 1 choice pa rin ng mga Pilipino ang mayor ng Davao City para mag-pangulo sa 2022.

Sa ngayon, limang political parties na sa buong bansa ang nakikipag-usap sa HNP.

Kabilang sa kasunduan ng mga partido ay ang pag-suporta kay Mayor Sara kapag tumakbong Pangulo sa 2022.

Kabilang dito ang LAKAS-CMD kung saan miyembro si dating Pangulo at Speaker Gloria Macapagal Arroyo, National Unity Party nina Congressman Pidi Barzaga, Peoples Reform Party ni former Senator Miriam Defensor Santiago, at ang Nacionalista Party ng mga Villar .

Kinumpirma naman ni Dating Senator Jinggoy Estrada na buong pwersang susuporta ang Masang Pilipino Party sa presidential at vice-presidential candidates ng Hugpong ng Pagbabago sa 2022 elections.

Wala rin aniyang kandidato ngayon ang PMP kaya ipapaubaya nila sa HNP ang pagpili ng kandidato sa pagkapangulo at bise.

Bukod pa rito, inihayag ni Jinggoy na nagkaroon sila ng pagpupulong kasama si Mayor Sara kasama sina Senator Ramon Revilla Jr., at Bacoor Mayor Lani Mercado.

Sa ngayon, tulad ng lahat ay naghihintay rin ang HNP ng pinal na pasya ni Mayor Sara sa Oktubre para sa 2022 Philippine presidential election.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.