Ilang mambabatas, hiniling sa Task Force Philhealth na alamin ang naging papel ni DOH Sec Duque sa umano’y anomalya sa Philhealth

Pinatitiyak ng ilang mambabatas na hindi basta ma-aabswelto si Health Secretary Francisco Duque III sa mga anomalya sa Philhealth.

Ayon kay Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers, na hindi pwedeng basta na lang sabihin ni Duque na wala siyang alam sa kontrobersyal na interim reimbursement mechanism lalo na’t siya ang chairman ng PhilHealth board.

Hindi aniya maaaring umiwas ang kalihim sa kanyang pananagutan dahil siya ang chairman of the board.

Dagdag naman ni Cavite Representative Jesus Crispin Remulla na may 12 taon nang nasa board si Duque at alam na niya ang lahat ng kalokohan, subalit pinababayaan lang kaya’t dapat ding pag-aralan ang papel nito sa umano’y mga anomalya sa ahensya.

Samantala, isinasapinal naman na ng Department of Justice ang kanilang imbestigasyon hinggil sa Interim Reimbursement Mechanism.

Ayon kay Justice Usec. Atty. Adrian Sugay binigyan ni DOJ Sec. Menardo Guevarra ng hanggang ngayong linggo ang Task Force Philhealth na matapos ang paghahain ng kaso kaugnay sa IRM.

Sinusunod na rin aniya nila ang pagsasapinal ng pagsasampa ng complaints patungkol naman sa isyu sa IT procurement gayundin sa mga fraudulent claims.

Tiniyak rin ni Sugay na hindi lang mga government official ang makakasuhan dahil maging ang mga pribadong ospital at mga doktor ay panangutin kung mapapatunayang nakipag-sabwatan ang mga ito

Sa kabila nito ay on-track pa rin naman sila sa ibinigay na deadline ng Pangulong Duterte upang maihain ang report at makapag-sampa ng kaso.

Mas madali na rin aniya ngayon ang kanilang ugnayan at pag-access sa mga kinakailangang dokumento kasunod ng pagkakatalaga kay dating NBI Dir. Dante Gierran bilang bagong Philhealth President.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.