Ilang PhilHealth officials, nakatakdang kasuhan ng mga kongresista

Posibleng maharap sa kaso ang mga opisyal ng PhilHealth batay sa resulta ng isinagawang imbestigasyon ng Kamara.

Ang naturang rekomendasyon ay bahagi ng leaked committee report ng joint investigation ng Committee on Public Accounts at Good Government and Public Accountability tungkol sa mga anomalya sa PhilHealth.

Kabilang sa mga inirekomenda na patawan ng administrative at criminal case sina Health Secretary Francisco Duque III, dating PhilHealth President Ricardo Morales, Executive Vice President Arnel de Jesus, Senior Vice Presidents Israel Francis Pargas, Renato Limsiaco Jr., at Rodolfo del Rosario gayundin sina Labor Secretary Silvestre Bello III, at Budget Secretary Wendel Avisado bilang mga miyembro ng PhilHealth Board at iba pang company officials at Board members.

Ayon kay Public Accounts Chairperson at Anakalusugan Representative Mike Defensor, maaaring magdesisyon ang mga kongresista na sampahan ng kaso sa kanilang personal na kapasidad ang mga opisyal na nasasangkot sa anomalya sa PhilHealth.

Iisa-isahin din umano nila ang mga kasong isasampa laban sa mga PhilHealth officials at gagawin nila ang paghahain ng kaso “individually”. 

Paglilinaw naman ni Defensor na hindi pa pinal ang naturang 65 page committee report na nakatakdang talakayin at pagdedebatehan ng dalawang komite sa October 27.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.