Imbestigasyon ng kontrata sa pagpapatayo ng 2019 SEA games sports facilities, ipaubaya na lang sa Ombudsman

Naniniwala si Senate President Vicente Sotto III na ang Office of the Ombudsman ang dapat na mag imbestiga kung nagkaroon ba ng anomalya sa kontrata ng pagpapatayo sa mga pasilidad na ginamit para sa 2019 Southeast Asian (SEA) games.

Para kay Sotto, hindi tamang suklian nila ng imbestigasyon ang mga tao sa likod ng SEA games matapos makapagbigay ng maraming medalya ang ating mga atleta sa katatapos lang na palaro.

Matatandaang inihain ni Senadora Risa Hontiveros ang senate resolution 567 upang magsagawa ng imbestigasyon ang Senado sa diumano’y kwestiyonableng joint venture agreement (JVA) sa pagitan ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) at ng Malaysian firm na MTD Capital Berhad para sa naging konstruksyon ng mga sports facilities sa New Clark City sa Tarlac.

Ayon sa senate president, nandiyan naman ang Office of the Ombudsman para paghainan ng kaso at para mag-imbestiga sa naturang akusasyon.

Una na ring sinabi ng senador na bagamat hindi siya sang-ayon sa pagsasagawa ng imbestigasyon tungkol dito ay ipapaubaya na niya kay Senate Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon ang pagdedesisyon tungkol sa resolusyong inihain ni Hontiveros.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.