Importansya ng “National ID System” ramdam ng mga karaniwang tao

Bokalista ng isang ordinaryong banda si Carlos Alarcon. Kahit paano ay nakakapuwesto ang kanilang banda sa mga inuman at kumikita rin naman. Masipag silang rumaket at kahit medyo labas na ng Metro Manila, basta may imbitasyon ay nagtatanghal sila.

Nabago nga lang ang sitwasyon nang pumutok ang pandemya at nagsara ang mga bar na kanilang tinutugtugan.

May sariling bahay sina Carlos kaya medyo maliit ang overhead. Pagkain at bills lang ang dapat pag-ipunan. Kasama niya sa bahay ang nanay niyang senior citizen, at ang kanyang anak na lalaki. Siyanga pala, isa siyang solo parent.

Sa kawalan ng hanapbuhay, ang natitirang pera ni Carlos ay ibinili niya ng bike. Nag-online selling siya ng kung anu-anong murang item para mabilis ibenta, at siya na mismo ang nagde-deliver gamit ang kanyang bisikleta.

Nang malaman ng iba niyang kaibigan na may bike ay tinanong siya kung puwede rin ba siyang mag-deliver ng maliliit na item? Bilang tulong na rin ng mga ito kaysa magbayad sa ibang delivery app. Siyempre, natuwa siya dahil nadagdagan ang kanyang raket.

Nang maghigpit na ang quarantine status sa Metro Manila ay naramdaman ni Carlos na mas mahirap ang mag-deliver dahil hindi naman siya rehistrado o employed sa delivery services. Madalas siyang hinaharang sa mga barangay. Ang problema pa niya, wala naman siyang valid ID na nagagamit.

“May mga barangay namang nagpapasok pero pakiusapan pa,” pagbabahagi ni Carlos. “Kailangan kong ipakita ang item na dadalhin ko saka ‘yung chat namin ng pagdadalhan ko at ng nagpapadala. Medyo hassle din. Sa ibang lugar, talagang bawal.”

Dati silang nakatira sa isang squatter’s area sa isang lungsod sa Metro Manila. Masuwerteng nang kunin na ng local government ang lupa ay isa sila sa napiling bigyan ng malilipatang bahay na kanila na. Noon pa man, ayon kay Carlos ay problema na niya ang ID.

“’Yung mga valid ID kasi, hindi naman ganoon kabilis makakuha,” pagkukuwento niya. “Nagkaroon ako ng TIN ID nang magtrabaho ako ilang taon na ang nakalilipas. Pero ‘yung TIN ID ay hindi rin naman nagagamit na valid ID. Kaya nga lang kami nabigyan ng pabahay kasi registered voter talaga kami sa barangay. Pero kahit nagrehistro ako sa Comelec, wala rin naman silang naibigay na ID.”

Aniya, ang nagagamit lang niyang ID ngayon ay ang homeowner’s association ID at ng kanilang barangay.

“Pero iyon nga, may mga lugar na napupuntahan ko na duda na baka peke ang ID. Baka raw ipinagawa ko lang sa Recto,” natatawa niyang kuwento.
Isa si Carlos sa umaasa na maisulong na ang national ID system.
“Gusto ko talaga iyon,” aniya. “Importante iyon kasi sobrang valid ng national ID. Pag meron na noon, laking ginhawa sa mga tulad kong walang maipakitang katibayan.”

At naikuwento niya na minsan ay may kaibigan siyang pinadalhan siya ng pera sa isang remittance center. Sobrang higpit daw ng nasabing remittance center pagdating sa pagke-claim ng padala. Tatlong ID ang kailangan. Wala siyang naipakita dahil barangay ID lang ang meron siya.

Dinala na rin niya ang kanyang voter’s registration pero hindi pa rin pumayag. Ang nangyari, kinuha na lang uli ng kaibigan niya ang pera sa remittance center.

“May mga ganoong ganap kung minsan,” naiiling niyang sambit. “Hindi lang naman siguro ako ang may ganitong problema. Kaya nga talagang hinihintay kong matuloy na iyang national ID system. Siguro naman pag meron na noon, wala nang magdududa sa ating pagka-Pilipino at pagkatao kahit saan tayo magpaikut-ikot sa ating bansa.”

Nabanggit din ni Carlos na may mga kapitbahay siya noon sa squatter’s area na hindi nakatanggap ng ayuda ng pamahalaan na Social Amelioration Program o SAP dahil walang maipakitang ID ang mga ito.
“Nakakaawa rin…” malungkot niyang sambit. “Sayang din ‘yung ayuda, nakatulong sana sa kanila. Kaya nga sana matuloy na ang national ID system natin.”

Noong Agosto 6, 2018 ay nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte bilang isang ganap na batas ang Philippine Identification System (PhilSys) Act.

Ipinaliwanag ng Pangulo na layunin ng nasabing batas na magkaroon ng single national identification system para sa mas maayos na transakyon sa mga pampubliko at pribadong tanggapan.

Tiniyak din ng Pangulo na mabibigyan ng sapat na proteksyon ang privacy ng mga Pinoy, at ngayong may pandemya, siya na rin mismo ang nagsabi na kung umiiral na sana ang national ID system, hindi nahirapang mamahagi ng SAP ang DSWD.

Bahagyang naantala ang implementasyon ng PhilSys, ngunit tiniyak ng pamahalaan na gagawing prayoridad na ito ngayong nakita na kung gaano ito kahalaga sa buhay ng mga Pilipino.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.