Imported na basura galing Amerika, nasabat ng BOC

Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) Port of Subic ang dalawang container na naglalaman ng mga basura bago pa man ito tuluyang mailabas sa Subic Bay International Terminal Corp. kahapon.

Ang mga nasabing kargamento ay naharang dahil sa mahigpit na pagbabantay ng Port of Subic katuwang ang Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), Enforcement and Security Service (ESS) at Assessment Division gayundin ang ginawang koordinasyon nila sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Ayon sa BOC, ang naturang mga container ay galing sa United States at naka-consigned sa Bataan 2020 Inc. kung saan idineklara ito na “American Old Corrugated Cartons for Repulping”. Sa isinagawang physical examination sa mga nasabing container ay nabuking na naglalaman ito ng mga basura.

Dagdag pa ng ahensya, bahagi umano ang dalawang container na naglalaman ng mga basura, sa 30 container na nakaalerto rin at pawang mga naka-consigned sa Bataan 2020 Inc.

Nagsasagawa naman ng imbentaryo sa nasabing kontrabando upang matiyak ang dami at aktwal na nilalaman ng kargamento. Nagpapatuloy ang pagsisiyasat sa posibleng paglabag sa Section 1400 ng RA 10863 o ang “Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) pati na rin ang iba pang mga nauugnay na batas sa kapaligiran.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.