JTF COVID-19 shield FB account, inilunsad para sumbungan ng mga pasaway sa quarantine protocols

Gumawa ng Facebook account ang Joint Task Force (JTF) COVID-19 Shield na siyang magiging daan upang maisumbong sa social media ang mga pasaway na lumalabag sa quarantine protocols.
Ang nasabing account ay bunsod na rin sa inisyatibo ni JTF COVID Shield Commander P/Lt Guillermo Lorenzo Eleazar na mabantayan din ang social media kung saan maraming mga nakikitang naka-post na mga larawan at video na nilalabag ang health protocols sa kabila ng COVID 19 pandemic.
Ayon pa kay Eleazar, ang hakbang ay ginawa para mas palakasin ang ugnayan ng mga pulis sa publiko at sa pamamagitan nito ay makatutuwang nila ang mga ito para protektahan ang kanilang komunidad.
Paliwanag ni Eleazar, batid niyang karamihan sa mga netizen ay may nakita nang mga paglabag sa quarantine protocols sa mga kaibigan o kakilala nila na nag-u-upload ng video o larawan na tila pinagyayabang na sila ay nakapagsasagawa ng mass gathering, nagsusugal at umiinom sa pampublikong lugar.
Sa pamamagitan ng official Facebook account na COVID Shield, pwedeng mag-tag ang netizens o kaya maman ay magpadala ng direct message o mga video o larawan na lumabag sa quarantine rules.
Tiniyak naman ng heneral na magiging sikreto ang mga identity ng mga tipster na magpapadala ng mga larawan o video.
Sa inilabas na video message ni Eleazar sinabi nito na responsibilidad ng bawat Filipino na maprotektahan ang sarili, pamilya, komunidad sa COVID-19.
“The fight to protect yourself, your family, your community and our country from COVID-19 is a responsibility of every Filipino let us work together to make it happen” saad ni Eleazar.