Julian Felipe Reef hindi ibibigay sa China – Malacañang

Nanindigan ang Malacañang na hindi ipamimigay at isusuko sa China ang Julian Felipe Reef na sakop ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.

Inihayag ito ng Palasyo kasunod ng pahayag ng Chinese Embassy sa Pilipinas na pag-aari nila ang Julian Felipe Reef na ngayon ay tinatanuran ng 40 Chinese vessels.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi nagbabago ang posisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya isasakripisyo at ipamimigay ang teritoryo ng Pilipinas.

“Hindi natin isasakripisyo, hindi natin ipamimigay ang ating national territory at ang ating exclusive economic zone,” ani Roque.

Paninindigan aniya ng gobyerno ang desisyon ng arbitral tribunal na pumabor sa Pilipinas.

Naniniwala si Roque na anumang hindi pagkakaintindihan ay maaayos sa mapayapang paraan kaya ireresolba aniya ito sa maayos na pag-uusap.

“Ang position po ng Presidente, paninindigan natin ang karapatan pero hindi ito po isang bagay para gumamit ng dahas. Kampante po ang ating Presidente na dahil malapit na magkaibigan ang Pilipinas at China ay mareresolba ang hidwaang ito,” dagdag ni Roque.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.