KC Montero at mahigit 100 indibidwal naaresto dahil sa paglabag sa social distancing sa resto-bar sa Makati

Mahigit isandaang Pinoy at dayuhan ang naaresto ng mga awtoridad sa ikinasang raid sa isang illicit resto-bar sa Makati City, matapos umanong lumabag sa quarantine health restrictions.

Kabilang sa mga dinampot ng pulisya ang celebrity at multimedia host na si Casey Miller o mas kilala sa pangalang KC Montero at ang kanyang misis, mula sa resto-bar na matatagpuan sa ikalabingwalong palapag ng condominium, sa Salcedo Village, Barangay Bel-Air.

Ayon kay Makati Police Chief Colonel Oscar Jacildo, ginawa ang operasyon matapos silang makatanggap ng ulat, na nagsasagawa ng exclusive gatherings ang naturang bar at hindi nasusunod ang social distancing.

Sa ilalim ng general community quarantine, mahigpit na ipinagbabawal ang pagbubukas ng mga bar.

Depensa naman ng may-ari at kinatawan ng establisyimento, wala silang nilabag na protocol, dahil sinunod nila ang reduced capacity measures bilang isang restaurant, kung saan mula sa 800 tao ay 20 hanggang 30 percent lamang ang pinapapasok.

Inakala naman ni Montero, na walang problema ang pagbubukas ng resto kung saan naghahapunan lamang sila ng kanyang maybahay, bagamat aminado sa pagkakamali.

Plano ng Makati police, na magsampa ng kasong paglabag sa Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act of 2018.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.