“Kill, Kill, Kill” order ni PRRD vs NPA, legal batay sa International Humanitarian Law – Sec Roque

Iginiit ng Malakanyang na tama at legal ang “Kill, Kill,Kill” order ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte laban sa mga armadong New People’s Army.

Nilinaw ng malakanyang na mayroong batas na umiiral kapag nagkaroon ng labanan sa pagitan ng panig ng gobyerno at ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP- NPA).

Sa isang pulong balitaan sa Malakanyang, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na dahil mayroong digmaang nangyayari, hindi talaga aniya bawal pumatay.

Aniya, “Ang ating batayan ay kung mayroon talagang military necessity sa pagpatay. Ibig sabihin, number one, kung necessary; number two, kung proportionate; at number three, if it will achieve iyong objective po ‘no which is the complete subjugation of the enemy, iyong pagkatalo ng kalaban.”

Paliwanag pa ng kalihim, na isa ring human rights lawyer, sa umiiral na International Humanitarian Law, pupuwedeng magkaroon ng labanan at mayroon talagang mamamatay lalung-lalo na sa mga kasapi sa engkwentro.

“Kapag mayroon kang sandata at ikaw ay kabahagi sa labanan, pupuwede kang pumatay at pupuwede ka ring mapatay.”

Dagdag pa nito, “Kapag ang labanan mo may baril na puwede kang patayin, alangan naman ikaw ang mag-antay na ikaw ang mabaril at mapatay.”

Kung matatandaan, sa talumpati ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpapasinaya ng Cagayan de Oro Community Project sa ilalim ng Ending Local Communist Armed Conflict (ELCAC), sinabi nitong “Patayin na ang mga komunistang rebelde.”

“Mao akong giingnan ang militar, pulis. Pag engkwentro gani mo, mogunit og armas, patya. Patya gyud. Tiwasi. Hayaan ang human rights. Ako ng sugo,” ang pahayag ni President Rodrigo Duterte.

(TRANSLATION: “That’s why I told the military and police that during encounters, if the enemy is holding a gun, kill them. Kill them right away. Ignore human rights. That is my order.”)

Giit naman ni Roque, tama at legal ang kautusan ni Pangulong Duterte na “Kill, Kill, Kill” laban sa mga armadong rebelde na naghahasik ng kaguluhan sa ibat ibang komunidad sa bansa.

“Hindi po paglabag ng batas, International Humanitarian Law, kapag nagpaputok ang sundalo sa isang armadong NPA fighter at mapatay ang NPA fighter.”

“Iyong order ng Presidente na ‘Kill, Kill, Kill’ legal po iyan dahil ang kaniyang sinabing ‘Kill, Kill, Kill’ eh iyong mga rebelde na mayroon pong hawak na armas.”

Naglahad naman ng datos ang Malakanyang ng bilang ng mga napatay sa kasagsagan ng mga engkwentro.

Mula Enero 2018 hanggang Enero 2021, 50 ang mga nasawing sibilyan; 143 naman ang napatay sa panig ng gobyerno; at 343 sa panig ng mga terorista.

Kung kaya, ayon sa tagapagsalita ng Palasyo, ginagawa rin lahat ng gobyerno para matigil na ang labanan nang sa ganoon wala ng mga Pilipino na napapatay ng kapwa Pilipino.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.