Korapsyon sa gobyerno isumbong – Palasyo

Hinikayat ng Malakanyang ang publiko na i-report o isumbong ang ‘corrupt acts’ o gawaing katiwalian ng mga opisyal ng pamahalaan matapos na mag-alok ng cash reward si Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Ang cash reward ay para sa impormasyon na may kinalaman sa mga opisyal ng pamahalaan na sangkot sa katiwalian.

Muling inulit ni Presidential spokesperson Harry Roque na seryoso ang Pangulo sa anti-corruption campaign nito.

“Ang pakiusap po natin sa taumbayan, hindi po matitigil ang korapsiyon kung hindi tayo magbibigay ng impormasyon,” ayon kay Sec. Roque.

“So hayan na po, nagbibigay na po ng pabuya ang Presidente, patunay na talagang sa natitirang termino niya ay talagang susubukin niya ang lahat, gagawin niya ang lahat para mabawasan kung hindi man tuluyang mawala ang korapsiyon sa gobyerno,” dagdag na pahayag nito.

Nauna rito, nag-alok si Pangulong Duterte ng pabuya mula P50,000 hanggang P100,000 para sa.makapagbibigay ng impormasyon ukol sa opisyal ng pamahalaan na sangkot sa katiwalian.

Sa public address ng Pangulo, Martes ng gabi ay sinabi nito na ang sinumang indibiduwal na makapagbibigay ng impormasyon hinggil sa maliit na kontrata ay makatatanggap ng P50,000 habang ang makapagbibigay naman ng impormasyon ukol sa imalaking kontrata ay makatatanggap ng P100,000.

“‘Huwag ka magbigay ng pangalan, sabihin mo lang ‘yung kontrata, dito ganito ganito, sino sa gobyerno… ‘pag malaking mga contract wag mo lang sabihin pangalan mo,” ayon kay Pangulong Duterte.

“Ibulong mo lang na niluluto ‘yan, I will give you P100,000 and I will keep your identity secret until I reach my grave. Hindi ko kayo… papasubo.”

Tiniyak din ng Chief Executive na “makikipagkasundo siya sa demonyo” kapag nalaman niya na ang informant ay hina- harassed.

“At kung nalaman kayo tapos hinaharas kayo, paalamin mo ako. I will deal with the devil. ‘Yan ang gusto ko. Bumaril ng tao na legal. Kaya kugn inaano ka, tinatakot ka, paalim mo ako,” ayon sa Pangulo.

Binigyang diin ng Punong Ehekutibo na hindi niya kailanman papayagan na mangyari ang anumang krimen dahil kagyat niya itong aaksyunan.

“So diyan tayo mag tapos mga kababayan ko. Take note of my ‘yung ano ko P50,000 [and] P100,000 ‘yung malaki,” giit ni Pangulong Duterte.

“Bulong mo lang. ‘Wag ka mag bigay ng pangalan. Pag na-ano namin na toto, babantayan lang namin. Then I will allow it to ripen into a crime pagkatapos kami ang bibira,” muling paalala nito sa publiko.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.