Lea Salonga nilektyuran ni Sec Panelo

Kahit hindi hiningi, binigyang-payo ng Malacañang si singer-actress Lea Salonga kaugnay sa trending na pagmumura nito sa Pilipinas.

Wika ni Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo, kung mayroon man itong sama ng loob laban sa bansa ay huwag isapubliko dahil marami umano ang magiging interpretasyon dito ng netizens.

Hindi aniya magandang ehemplo na ang isang celebrity na hinahangaan ng maraming Pilipino ay “hindi ginagalang” ang bansa kung saan ito pinanganak at naghanapbuhay.

“Ang advise natin kay Miss Lea: cool ka lang. Kung ano man ang sama ng loob mo, huwag mong isapubliko lalo kung laban sa sarili mong bansa kung saan ka ipinanganak, kung saan ka kumikita, kung saan ka kinikilala. Hindi magandang ganyan,” ani Panelo.

Bagamat inamin at nangatwiran si Salonga na mainit lang ang ulo niya noon kaya namura ang Pilipinas, giit ni Panelo na “palusot” lang ito ng singer dahil nabanatan siya nang husto at naging trending sa social media.

Gayunman, wala aniyang kasong maisasampa kay Salonga sa ilalim ng batas.

“Parang disrespect yun sa bansa mo. Walang specific na kaso,” wika ng lalaki.

Matatandaang umani ng samu’t saring reaksiyon ang Facebook post ni Salonga na “Dear Pilipinas, p*****i**,ang hirap mong mahalin”.

Makalipas ang ilang araw ay nagpaliwanag ito at binura na ang kontrobersiyal na post sa kanyang Facebook account.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.