Liberal Party, nagluluksa sa pagpanaw ni PNoy; Opposition senators nakiramay sa pagpanaw ng dating pangulo

Nagluluksa ang buong Partido Liberal sa pagpanaw ng kanilang Chairman Emeritus na si dating Pangulong Benigno Aquino III.

Sa official statement na inilabas ng Liberal Party, sinabi nitong sinasalamin ng taguri natin sa dating pangulo na ‘PNoy’ ang diwa ng kanyang pagkapangulo: Tunay na kaisa ng karaniwang Pinoy; sumasagisag sa pinakamatataas nating ideyal; may tapang at sigasig sa harap ng maraming hamon.

Sinabi ng partido na sa kanyang pamumuno ay sinimulang sugpuin ang korapsyon at nawala ang wang-wang sa kalsada na simbolo ng pang-aabuso ng makapangyarihan.

Samantala, sa pahayag naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, sinabi nitong ipinagluluksa niya ang pagpanaw ng isang malapit na kaibigan.

Nagpapasalamat aniya si Drilon na nagkaroon siya ng pagkakataon na makatrabaho si PNoy sa ilalim ng Aquino administration.

Isa aniyang tapat na indibidwal na may malinis na intensyon para sa bayan ang nawala sa Pilipinas.

Inalala ni Senador Risa Hontiveros si dating Pangulong Aquino bilang isang mabuting tao na kinokonsidera niyang isa sa pinakamagandang nangyari sa ating bansa.

Inilarawan naman ni Senador Francis Pangilinan si PNoy bilang isang mabuting tao, mahusay na lider, maraming natulungan, mabuting kaibigan, kapatid, lingkod bayan at huwarang anak ng mga bayani.

Isa aniyang karangalan na magsilbi sa sambayanan bilang nakasama nito sa senado at sa kanyang gabinete.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.