Lider ng NPA recruiter, sumuko dahil walang nangyayaring magandang buhay bilang rebelde

Nagpasyang sumuko ang isang unit commander na in charge sa recruitment program ng New People’s Army (NPA) sa isang barangay ng bayan ng Alabel at Malungon sa Davao Occidental sa gobyerno, matapos mapagtanto na wala namang nangyayaring maganda sa kanyang buhay.

Sa isang seremonya sa headquarters ng 73rd Infantry Batallion ng Philippine Army, sinabi ni Jason hindi niya tunay na pangalan, nagdesisyon siyang kumalas sa samahan matapos ang siyam na taong pakikipaglaban sa pamahalaan, dahil wala rin umanong nagbago sa kanyang buhay bilang rebelde.

Giit ni Jason, ayaw niyang sumunod sa kanyang yapak ang mga anak, at hindi niya matanggap na hindi ito mabibigyan ng magandang kinabukasan.

Si Jason ay isa lamang sa mga dating lider ng NPA na nagbalik loob sa gobyerno kamakailan sa nasabing bayan, kasunod ng pinaigting na kampanya ng awtoridad upang wakasan ang siklo ng karahasan sa Mindanao.

Tiniyak naman ni Regional Director Cezario Joel Espejo, ng Department of Social Welfare and Development o DSWD-12, sa iba pang rebelde na nagbabalak na sumuko, na tatanggap din ito ng parehas na suporta mula sa gobyerno.

Pinasalamatan ni Espejo ang kanilang partners upang maipagpatuloy ang pagkakaloob ng tulong sa ilalim ng Whole of Government Approach na naglalayong tuldukan ang insurhensya at makamit ang pangmatagalang kapayapaan sa isla.

Pinangasiwaan ng 73rd IB at lokal na opisyal ng Malita, at Alabel at Malungon sa Sarangani province, ang pagsuko ng nasabing rebelde.

Photo credit: 73rd Infantry Batallion ng Philippine Army

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.