Maaaring mag apply ang ABS-CBN ng panibagong lisensiya upang mag-operate

Maaaring mag-apply ang ABS-CBN Corp. ng panibagong lisensiya para maipagpatuloy ang operasyon nito sakali’t mapawalang-bisa na ang 25-year legislative franchise ng nasabing network.

“Kaya nga meron silang application for (new franchise). That’s the whole point,” ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo.

Nauna rito, naghain si Solicitor General Jose Calida ng quo warranto petition sa Korte Suprema laban sa ABS-CBN dahil sa “highly abusive practices” gamit ang milyon nitong loyal subscribers.

Pormal nang hiniling ni Solicitor General Jose Calida sa Korte Suprema na bawiin ang legislative franchise na tinatamasa ng media giant na ABS-CBN, na makailang-ulit nang nakatatanggap ng birada ni Pangulong Rodrigo Duterte. Ayon sa istasyon, naghain ng “quo warranto petition” si Calida laban sa ABS-CBN Corporation at ABS-CBN Convergence Inc., na subsidiary ng kumpanya.

Ilan sa mga ibinatong paratang ni Calida sa himpilan ay ang “labag sa batas” na pakikinabang nila sa mga prangkisa sa ilalim ng Republic Act (RA) 7966 at RA 8332.

Tumutukoy ang naunang batas prangkisang nagpapahintulot sa operasyon ng ABS-CBN Corporation habang iginawad naman ng ikalawa ang prangkisa sa kanilang communications arm

Para kay Sec. Panelo, ang naging hakbang ni Calida ay “sensible and logical.”

“That’s his job. What if someone, other than Calida, found that ABS-CBN made a violation? Calida would face a complaint for the dereliction of duty. So he will be on the defensive side. He’s just doing his duty,” ani Sec. Panelo.

Ang ABS-CBN ay mayroon na lamanh hanggang Marso 30 para mag- operate, maliban na lamang kung mabibigyan ito ng panibagong franchise renewal ng Kongreso at ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Sa kabilang dako, hindi pa napag-uusapan ng mga mambabatas kung ie- extend o hindi ng mga ito ang prankisa ng ABS-CBN ng panibagong 25 taon.

Kahapon, Pebrero 12 ay sinabi ni Sec. Panelo na walang kamay si Pangulong Duterte sa anumang magiging aksyon ng Kongreso laban sa local media giant.

Ang pahayag na ito ni Sec. Panelo ay tugon sa komento ni House legislative franchises vice chairperson at Isabela Rep. Antonio Albano na may presyur mula sa Malakanyang ang gagawing hakbang ng Kongreso sa isyu sa pagitan nina Pangulong Duterte at ABS-CBN .

Sa naging talumpati ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa oath-taking ng mga newly-elected officers at board of trustees ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) na isinagawa sa Rizal Hall, Malakanyang Miyerkules ng gabi, Pebrero 12 ay tiniyak nito sa Philippine media na sa ilalim ng kanyang liderato ay hindi niya papayagan ang anumang posibleng pang-aabuso sa pribilehiyong ipinagkaloob sa mga ito.

Ang pangakong ito ng Pangulo ay inihayag niya sa kabila ng hindi nila pagkakaunawaan ng ABS-CBN dahil sa pagiging bias at kabiguan na mapatakbo ang kanyang campaign advertisements noong 2016 presidential derby.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.