Mafia sa PhilHealth tumiba ng P15Bilyong piso – Atty. Keith

Ibinunyag ng nagbitiw na dating Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) anti-fraud legal officer na si Atty. Thorrsson Montes Keith na halos P15 bilyon ang napunta sa bulsa ng tinawag niyang “mafia” sa ahensiya.

Ginawa ni Keith ang rebelasyon sa pagdinig ng Senate committee of the whole sa alegasyon ng korapsiyon sa PhilHealth.

“Ang aking natuklasan sa PhilHealth ay matatawag ko na krimen ng taon o sa english ay crime of the year,” pahayag ni Keith sa komite.

Ang tinutukoy nito ay ang krimen na nagagawa na diumano’y sindikato sa ahensya na nagpapatupad sa interim reimbursement mechanism at ang pag-procure ng overpriced na information at communication technology equipment.

“Naniniwala po ako, base sa aking imbestigasyon, ang perang nawaldas o ninakaw ay humigit kumulang sa P15 billion,” sambit ni Keith.

Nalantad din sa imbestigasyon ang pagbili ng dalawang laptop sa halagang P4.1 milyon.

Si Keith ay isang sa maraming opisyal ng PhilHealth na nagbitiw sa kamakailan kasunod ng kontrobersiyal na pagpupulong na napunta sa mainitang pagtatalo kaugnay ng overpriced IT system ng ahensiya.

Binanggit di ni Keith ang diumano’y kultura ng katiwalian dahil tuloy ang operasyon ng sindikato dito.

“Naniniwala po ako na ang dahilan kung bakit hindi natatapos ang korapsyon sa PhilHealth, at naging kultura na po ito, ay ang pagtatalaga ng mga sindikato o mafia ng kanilang kasamahan, kasabwat o kapwa sindikato sa matataas na posisyon na nakakatulong sa kanilang iligal na operasyon,” lahad ni Keith.

Paliwanag pa nito, plano umano ng sindikato sa PhilHealth na gamitin ang kontribusyon na ibabayad ng mga overseas Filipino worker (OFW) bilang pampalitsa perang kanilang ninanakaw.

“Sa aking ipapahayag, naniniwala po ako na ang balak ng mga sindikato o mafia ng PhilHealth na ang pagkukuhanan ng ipangpantatapal sa mga nawaldas at ninakaw nilang pera ay sa mga overseas Filipino workers,” dagdag nito.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.