Malacañang sa mga employer: kung hindi kayang magbigay ng shuttle service sa mga empleyado, huwag na munang magbukas

Inaasahan ng Malacañang na ang mga employer ay magkakaloob ng libreng shuttle service sa kanilang mga empleyado na pinapayagan nang magbalik sa trabaho sa kabila ng ipinatutupad ng community quarantine sa buong bansa.

Inilabas ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang pahayag noong Mayo 21 ngayong mas maraming negosyo na ang pinapayagang magbukas.

“Ang aming assumption po ay gagawa rin sila ng hakbang para matulungan iyung kanilang mga empleyado na makapasok,” pahayag ni Roque sa ginanap na virtual press briefing na umere sa PTV-4.

Ipinaliwanag ni Roque na bagaman at may local government units na nagbibigay ng libreng transportasyon sa mga manggagawa, hindi naman puwedeng obligahin ang pamahalaan na magkaloob ng libreng shuttle service sa lahat ng nagbabalik na trabahador.

“The rule is, kung talagang hindi kaya magbigay ng shuttle, huwag na po tayong magbukas dahil iniiwasan pa rin naman natin ang pagkalat ng Covid-19,” ayon kay Roque.

Suspendido pa rin ang mass public transportation sa mga lugar na nasa ilalim ng ECQ at MECQ.

Gayunpaman, ang mga arkiladong shuttle service para sa mga empleyado ng mga establisyementong pinayagan nang magbukas at maging ang point-to-point transport services para sa front-line workers ay pinapayagan pero limitado lang ang pasahero at dapat sundin ang minimum health standards.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.