Malakihang rally para sa Pederalismo, ikakasa sa linggo

Itotodo na ng Mayor Rodrigo Roa Duterte-National Coordinating Committee, mga taong nagsusulong ng Pederalismo ang kanilang pwersa upang hikayatin ang taumbayan na suportahan ang revolutionary government na magpapalit sa sistema ng pamahalaan. 

Sa isang press conference ng People’s National Coalition for Revolutionary Government towards Federalism, sinabi ni dating OFW Party List Representative Omar Fajardo, tumatayong International Affairs ng MRRD-NECC, ikakasa nila sa linggo, February 21, 2021 ang isang malaking rally sa Maynila. 

Ito ay upang kumbinsihin ang Kongreso at pamahalaan na palitan ng Federal form of government ang kasalukuyang Presidential form. 

Sinabi ni Fajardo na kapos na sa panahon ang pagtutulak ng Pederalismo dahil isang taon na lamang ang natitira sa termino ni Pangulong Rodrigo Duterte. 

Ang gagawin umano nilang rally ay bunga na rin ng kanilang ginawang mga konsultasyon sa iba’t ibang lugar sa bansa kung saan nakakuha sila ng malaking suporta mula sa hanay ng magsasaka, mangingisda, professional, religious group, Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, at government workers. 

Aniya, inaasahan nila ang 30,000 na mga sasakyan ang manggagaling sa iba’t ibang lugar para lumahok sa isang rally. 

Ang kasalukuyang 1987 Constitution ay isa umano sa mga pinakamatandang Konstitusyon sa Asya na panahon na upang ito ay mapalitan. 

Hinihingi din nila kay Pangulong Rodrigo Duterte na suportahan nito ang Pederalismo upang maisakatuparan ang mas malakas na programa na mararamdaman ng taumbayan. 

Ang MRRD-NECC ang nagsusulong ng Pederalismo na siya ring nagkumbinsi kay Pangulong Duterte na kumandidatong Pangulo noong 2016. 

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.