Manila Bay ibabalik sa dating ganda, isasailalim sa rehabilitasyon gaya ng sa Boracay

Pagkatapos ng Boracay Island, isunod naman natin ang Manila Bay.

“Determinado akong simulan ang rehabilitasyon ng Manila Bay kaagad, posibleng magsimula sa ikalawang linggo ng Enero,” wika ni Environment Secretary Roy Cimatu noong Lunes sa huling seremonya ng kanyang kagawaran para sa taon.

Dala na rin ng tagumpay ng rehabilitasyon sa Boracay, ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay naghahanda na ring isailalim sa rehabilitasyon ang Manila Bay at ibalik ito sa dating ganda.

Sa kabila na ang Manila Bay ay kilala na isa sa pinakamagandang lugar para pagmasdan ang paglubog ng araw, ang tubig nito ang itinuturing na pinakamarumi sa bansa dahil sa mga basura, mga dumi galing sa pabrika at barko, at iba pa.

cimatu duterte

Ayon kay DENR Secretary Roy Cimatu, nais niya na maibalik sa dating kalagayan ang Manila Bay at mapanatiling angkop para sa paglangoy, diving at iba pang uri ng libangan.

Aniya, sila ay naghahanda ng isang “all-out strategy” na dalhin ang ‘coliform concentration’ sa Manila Bay sa ligtas na lebel nang ang milyon-milyong katao na naninirahan malapit sa lugar ay masiyahan sa tubig nito at hindi na mangangamba na magkasakit.

Sinabi pa ni Cimatu na ipapakita rin umano ng gobyerno ang kaparehong “political will” sa paglinis sa naturang bay na umaabot sa tatlong rehiyon—ang National Capital Region, Central Luzon at CALABARZON o Region 4A—gaya ng ginawa sa Boracay, na isang maliit na isla sa Western Visayas.

Pinapakita sa 2017 report ng Environmental Management Bureau ng DENR na ang ‘fecal coliform level’ sa Manila Bay ay umaabot sa mahigit sa 330 million most probable number (MPN) per 100 milliliters. Ang ‘safe level’ ay nasa 100 MPN per 100ml.

Inilahad pa ng kalihim na bahagi ng istratehiya ng kagawaran ang masegurong susunod ang mga lokal na pamahalaan na nakapalibot sa Manila Bay sa mga batas pang-kalikasan.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.