May-ari ng mga loteng pagtatayuan ng Makati Subway, tatanggap ng tig-P1-M bonus

Kinumpirma ng lokal na pamahalaan ng Makati na makatatanggap ng “early bird” signing bonus ang may-ari ng mga lote na gagamitin sa pagtatayo ng Makati Subway project.

Ayon kay City Administrator at Public-Private Partnership (PPP) Selection Committee Chairman Atty. Claro Certeza, bibigyan ng tig-isang milyong piso bawat isa ang may-ari ng 55 lote matapos tanggapin ang alok na ipagbili ang kanilang lupain.

Ang 55 loteng nabili ng Makati Subway, Inc. na may 7,638.83 square meters ay may kabuuang halagang ₱1.18-billion pesos.

Ang Makati Subway, Inc. ang pribadong consortium na nagsasagawa ng proyekto sa ilalim ng isang PPP agreement katuwang ang lungsod.

Sinabi ni Certeza na nakapagbayad na ng kabuuang ₱62.9 million pesos ang kumpanya sa mga may-ari ng anim na lote na nakapagsumite ng kumpletong dokumento.

Kasalukuyan namang inaayos ng mga may-ari ng 49 pang lote ang mga dokumento para sa transfer ng kanilang lupain sa pagmamay-ari ng Makati Subway, Inc.

Ibinahagi ni Certeza na tuluy-tuloy pa rin ang pakikipag-ugnayan ng kumpanya sa mga may-ari ng mga loteng kinakailangan para sa subway sa kabila ng krisis at umaasang papayag silang ipagbili ang kanilang mga lupa para masimulan na ang konstruksyon ng subway.

Ang subway project ang mag-uugnay sa central business district, city hall, at iba pang mahahalagang bahagi ng lungsod na inaasahang magpapataas ng productivity ng mga manggagawa dahil sa pinaikling oras ng pagbiyahe patungo sa trabaho.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.