Mayor Inday Sara Duterte, mananatili sa Davao City ngayong araw ng SONA

Bago pa man ang ika-5 State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong araw ay sinabi na ni Mayor Sara Duterte na ipagpapaliban niya muna ang personal na pagdalo dito.

Una, ayaw umano niyang sumailalim sa RT-PCR test para tiyaking hindi siya carrier ng COVID-19 pagbalik niya sa Davao City.

Sa ngayon, sinuman ang bibiyahe patungong Davao ay kinakailangang magpakita ng negative RT-PCR test result.

Bagama’t permissive ito o hindi sapilitan upon check-in sa airport of origin ng isang pasahero ay mandatory naman ito pagdating sa Davao International Airport.

Kilos-protesta sa Davao City, bawal ngayong araw ng SONA

Samantala, dahil SONA ng pangulo, inaasahan na rin ang posibilidad ng pagsasagawa ng mga kilos-protesta.

May ilang grupo nang nagpahiwatig na magkikilos-protesta ngayong araw dahil gusto daw nilang magpahayag ng kanilang mga saloobin at hinaing.

At bagama’t nirerespeto naman umano ito ng kapulisan ay bawal at hindi pahihintulutan ang anumang uri ng mass demonstration o pagtitipon sa mga pampublikong lugar sa Davao City ngayong araw ng SONA.

Sinabi ng Davao City Police Office na pwedeng pagmulan ng hawaan ng COVID-19 ang mga pagtitipon tulad ng kilos-protesta kaya’t mas maiging manatili na lang ang publiko sa kani-kanilang mga pamamahay.

Ipinaalala ng kapulisan na sinumang magtatangkang magsagawa ng rally ngayong araw ay tiyak na huhulihin bilang paglabag sa Republic Act no. 11469 o ang Bayanihan to Heal As One Act.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.