Mayor Isko, may go signal na para sa karagdagang kapasidad ng simbahan sa lungsod ng Manila

Inanunsiyo ni Manila Mayor Isko Moreno na maglalabas siya ng pormal na kautusan, para itaas sa 30 percent ang kapasidad sa mga simbahan at kahalintulad sa Lungsod ng Manila.

Sa panayam kay Mayor Isko, sinabi niya na mag-iisyu siya ng executive order o EO.

Ito ay para madagdagan na ang bilang ng mga taong maaaring payagang makapasok sa mga simbahan o bahay-sambahan.

Ibig sabihin, mula sa 10 percent na kapasidad ay magiging 30 percent na ang capacity na paiiralin, upang mas marami nang taong makapagsimba sa loob ng mga simbahan.

Pero kaakibat nito, ang pagtitiyak ng mga pamunuan o lider ng mga simbahan na masusunod ng mga mananampalataya ang health protocols upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 na itinatakda ng Inter-Agency Task Force.

Kabilang na rito ang pagsusuot ng face mask at face shield, at social distancing.

Kailangan ding maging responsable ang bawat isa upang huwag nang magkaroon ng hawaan ng sakit sa simbahan o bahay-sambahan.

Ang 10 percent capacity sa mga simbahan at bahay-sambahan ay ipinatutupad sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine o GCQ.

Nauna nang nakipagpulong si Moreno kay Bishop Broderick Pabillo, ang apostolic administrator ng Archdiocese of Manila; at pamunuan ng Simbahan ng Quiapo kaugnay sa mga plano sa pagdaraos ng Simbang Gabi sa December at Traslacion 2021 sa January.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.