Mayor Isko Moreno, 2K Remdesivir binili ng Maynila para sa COVID-19 patients

Bumili ang lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila ng 2,000 vials ng Remdesivir upang maipagamit at makatulong sa mabilis na pagpapagaling sa mga “mild, moderate at severe patients” ng COVID-19 sa lungsod.

Sa isinagawang “Mayoral Address” ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso kasama si Vice Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan, sinabi ng Alkalde na gumastos ang pamahalaang lungsod ng halagang P13 milyon upang ipambili sa vials.

Ayon kay Domagoso, nabili ng lokal na pamahalaan ang nasabing vials sa halagang P6,500 kada piraso na mas mababa sa orihinal nitong presyo na P20,000 kada piraso.

“Mapalad po tayo na nakuha lang natin ito nang P6,500. Gumastos po ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila ng P13 million. Pera niyo po iyon, P13 million na maaaring makapagligtas,” ani Domagoso.

“Kung saka-sakali kakailanganin pa, bibili pa po tayo, mapangalagaan lang namin kayo, mapataas lang namin ang probabilidad na kapag kayo ay na-infect ng COVID-19, kayo ay mag-recover,” dagdag pa ng Alkalde.

Nilinaw naman ni Domagoso na ang Remdesivir ay hindi bakuna kontra COVID-19 kundi nakakatulong aniya ito upang mapabilis ang paggaling ng mga nasa klasipikasyon ng mild, moderate at severe cases nasabing sakit.

“Hindi po ito vaccine pa, doon ay naghanda na tayo ng 200 Million… ito po binili natin na humigit kumulang P13 million lang, pero ‘yung probability na lalong maka-recover ‘yung ating pasyente ay gaganda, hindi garantiya, pero gaganda,” ani Domagoso.

Iginiit naman ni Lacuna-Pangan na ang nasabing Remdesivir ay gagamitin lamang sa mga ospital at hindi aniya ito mabibili sa over-the-counter.

“Napapaigsi po nito yung panahon ng pagkakaroon ng sakit, at nababawasan po yung sintomas. Kaya minabuti po ng ating Mayor na lahat po ng anim na ospital natin ay magkaroon na po tayo ng Remdesivir nang sa ganon po ay maagapan naman po natin yung ating mga pasyente na very risky yung kanilang sitwasyon,” paliwanag ni Lacuna-Pangan.

Ang pagbili ng vials ay bahagi ng lokal na pamahalaang lungsod hinggil sa agresibo nitong tugon na labanan ang pandemya dulot ng COVID-19. Ang nasabing antiviral medication ay aprubado umano ng Philippine Food and Drug Administration na gamitin sa anim na pampublikong ospital na pinapatakbo ng lungsod ng Maynila.

Matatandaan na naihanda na ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang P200 milyon budget para ipambili sa COVID-19 vaccines sa oras na magkaroon na ito at maaprubahan ng mga health authorities.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.