Mayor Isko nagpadala ng tulong-pinansyal sa mga biktima ng bagyong Ulysses sa Cagayan

Nagpahatid ng tulong-pinansyal na P2 milyon si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso kay Cagayan Governor Manuel Mamba upang ipandagdag sa relief operation para sa kanyang mga kababayan na lubhang nasalanta ng matinding pagbaha kamakailan.

Ayon kay Domagoso, ang nasabing halaga ng tulong-pinansyal ay mula sa kanyang nalikom na nanggaling sa mga indibidwal, private citizens at mga business owner na nagpahatid ng kanilang donasyon para sa mga nasalanta ng bagyo.

“I am very thankful to those people who heeded our call. Simpleng malasakit. It’s a matter of showing love to our fellow Filipinos,” ani Domagoso.

Dagdag pa ng Alkalde, may ginagawang fund raising efforts ang Manila City Council sa pamumuno ni Vice Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan para sa iba pang lugar na lubhang naapektuhan sa Cagayan Valley region.

Pinasalamatan naman ni Domagoso ang mga nagpaabot para sa mga kababayan natin na taga-Cagayan kasabay ng paghimok sa publiko lalo na sa mga Batang Maynila na kung maaari, kahit pa sa maliit na kaparaanan ay makapaghatid umano tayo ng tulong sa ating kapwa.

Matatandaan na nito lamang nakaraang Linggo ay nakalikom din si Domagoso ng pondo upang makapaghatid din ng tulong-pinansyal sa mga nasalanta ng bagyong Rolly. Nagpaabot si Domagoso ng tig-isang milyon halaga ng tseke kina Catanduanes Governor Joseph Cua at Camarines Sur Congressman LRay Villafuerte bilang tulong-pinansyal para sa mga lubhang naapektuhan at nasalanta ng nagdaang bagyong Rolly na itinuturing na pinakamalakas na bagyo sa buong mundo.

Bukod dito ay nauna na ring nagbigay ayuda si Domagoso ng isang libong tig-50 kilo sako ng bigas para sa mga nasalanta ng naturan ding bagyo sa Albay kung saan galing din sa isang hindi nagpakilalang negosyante na Batang Maynila.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.