Mayor Sara Duterte, may hamon sa mga opisyal at kawani ng gobyerno na mas paghusayin pa ang paghahatid-serbisyo

INDAY-SARA-DUTERTE

Hiniling ni Davao City Mayor Sara Duterte sa lahat ng opisyal at empleyado ng lokal na pamahalaan na mas pagbutihin pa ngayong taon ang paghahatid ng serbisyo sa publiko.

Ginawa ni Mayor Inday ang panawagan sa kauna-unahang flag ceremony ngayong taon na ginanap sa People’s Park, Lungsod ng Davao, Lunes ng umaga.

Sinimulan ng alkalde ang kanyang mensahe, sa pagbabalik-tanaw sa mga magagandang nangyari sa rehiyon ng Davao, partikular ang pag-unlad ng imprastraktura at pamumuhunan, na nagbunga ng pagbubukas ng mas maraming daan, negosyo, at industrial parks, gayundin, nananatiling mapayapa at tahimik ang rehiyon.

Nangyari aniya ang lahat ng ito dahil sa pagpupursige ng bawat opisyal at empleyado ng gobyerno na makapaglingkod ng maayos sa publiko.

Hamon ni Mayor Sara sa lokal na pamahalaan na mas paghusayin pa ang paglilingkod sa taumbayan nang nakangiti at may katapatan, at may layon na maiangat pa ang kalidad ng pamumuhay ng kanilang pinaglilingkuran.

Ilan lamang sa mga gustong makamit ng pamahalaang lungsod sa 2019 ay mapalakas ang kakayahan ng mga magsasaka at mangingisda at mga inobasyon sa larangan ng small and medium entrepreneurs, mas mataas na employment rate at mababang morbidity rates, mas maraming science at technology scholars at mas mababang bilang ng school dropouts, mas maraming nakapagtapos na mapagkalooban ng trabaho, at mas mabilis na pagresolba ng mga kasong ligal at mga krimen.

Giit ni Mayor Inday hindi na dapat hintayin pa na magreklamo ang taumbayan bago umaksiyon.(RP)

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.