Mga barko ng Chinese Maritime Militia, itinaboy ng PCG sa Sabina Shoal

Matagumpay na naitaboy ng Philippine Coast Guard ang mga barko ng Chinese Maritime Militia sa Sabina Shoal noong Abril 27 at 29.

Sa ulat ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS), nagtungo noong Abril 27 ang BRP Cabra ng Philippine Coast Guard kasama ang dalawang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na MCS 3002 and 3004 sa Sabina Shoal na 130 milya sa kanluran ng Palawan para magsagawa ng law enforcement operations.

Naabutan nila dito ang pitong barko ng Chinese Maritime Militia na nakahanay sa isang linya, at nag-isyu ng hamon ang BRP Cabra sa mga dayuhang barko.

Makalipas ang 20 minuto ay nag-disperse ang mga barko ng China at umalis sa lugar.

Makalipas ang dalawang araw, bumalik uli sa lugar ang BRP Cabra at naabutan ang 5 barko ng Chinese Maritime Militia.

Agad ding umalis ang mga barko ng China sa pagdating ng barko ng Philippine Coast Guard.

Sinabi ni National Security Adviser at NTF-WPS Chairperson Sec. Hermogenes Esperon na ipagpapatuloy ng PCG at BFAR ang mga maritime patrols sa Exclusive Economic Zone ng bansa sa West Philippine Sea para itaguyod ang soberenya ng Pilipinas sa karagatan.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.