Mga kongresistang napabilang sa PACC ‘corrupt list’ mananatiling inosente hanggang mapatunayan ang mga alegasyon

Mananatiling inosente ang mga kongresista na napasama sa Presidential Anti-Corruption Commission ‘corrupt list’ hanggang hindi napapatunayan ang mga alegasyon sa kanila.

Ito ang pahayag ni House Speaker Lord Allan Velasco, matapos pangalanan ni Pangulong Duterte sa kanyang talk to the nation ang mga kongresista na sangkot umano sa katiwalian batay sa ulat ng Presidential Anti-Corruption Commission.

Ayon kay Velasco, mismong ang Punong Ehekutibo na ang naglinaw na hindi dahil kasama ang mga pangalan nila sa listahan ay guilty o hinahatulan na ang mga ito.

Kinailangan lamang umano itong isapubliko ng Pangulo dahil kailangan itong malaman ng mga Pilipino.

Batay sa mga pahayag ng pinangalanang mga kinatawan, hindi naman sila nilapitan ng PACC para sa anomang pagtatanong o beripikasyon dahil na rin sa bahagi sila ng lehislatura at hindi sakop ng hurisdiksyon ng PACC.

Magkagayonman, ipinunto ng lider ng Kamara na mahalagang mabigyan ng due process ang mga mambabatas sa pamamagitan ng paghahain ng kaso.

Sakaling may mabigat aniyang ebidensya na hawak ang PACC ay dapat na itong iakyat sa Ombudsman.

Ang mga mambabatas na napabilang sa naturang listahan ay sina Occidental Mindoro Rep. Josephine Sato, Former Ifugao Rep. Teodoro Baguilat Jr., Quezon City 5th District Rep. Alfredo Paolo Vargas, Misamis Occidental 2nd District Rep. Henry Oaminal, Isabela 4th District Rep. Alyssa Sheena P. Tan, Northern Samar 1st District Rep. Paul Daza, Quezon 4th District Rep. Angelina Helen Tan, ACT-CIS party-list Rep. Eric Yap at Bataan 1st District Rep. Geraldine Roman.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.