Mga opisyal at empleyado ng PhilHealth, sinampahan ng kasong kriminal ng NBI

Sinampahan na ng kasong kriminal ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DOJ) ang 21 opisyal at empleyado ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth, dahil sa maanomalyang claims sa dialysis ng mga pasyente ng Wellmed Dialysis Center.

Sasampahan ang mga opisyal ng Philhealth ng kasong paglabag sa Section 3 ng Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act, paglabag sa Republic Act 10606 o National Health Insurance Act of 2013 at Republic Act 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.

Ang kaso ay dahil sa maanomalyang claims para sa pagbabayad ng mga dialysis at iba pang medical treatment ng mga miyembro at benepisyaryo ng Philhealth.

Kabilang sa mga kinasuhan ang mga miyembro ng Accreditation Sub Committee ng Philhealth Regional Office National Capital Region.

Kasama rin sa kinasuhan ang Branch Manager ng Philhealth na si Dr. Lolita V. Tuliao na siya umanong responsable sa pag-apruba ng accreditation ng Wellmed Dialysis Center noong 2019, kahit may ginawa ng imbestigasyon ang Fact Finding investigation and Enforcement Department ng Philhealth ukol sa mga ghost claims ng Wellmed.

Wala rin umanong isinagawang periodic monitoring ang Philhealth Regional Office ng NCR sa mga health care institution.

Samantala, sinimulan na rin ng NBI ang pag-iimbestiga sa mga provincial offices ng Philhealth upang malaman kung nagkaroon din ng anomalya sa mga healthcare institution nito.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.