Mga pabayang Brgy. Chairman, ipinaaaresto ni Pangulong Duterte

Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Philippine National Police (PNP) na arestuhin ang mga kapitan ng barangay na bigong maipatupad ang mga protocol na may kinalaman sa mass gathering.

Ang naturang kautusan ay kasunod ng ulat ni Interior Secretary Eduardo Año na ilang insidente ng mass gatherings kabilang na rito ang mga ginagawang party at tumpukang pagpi-picnic.

“Nitong mga nakaraang araw ay kapansin-pansin ang pagdami ng mga insidente ng mass gathering at social activities sa ilang lugar sa bansa sa gitna nang mahigpit na implementasyon ng community quarantine. “

Dahil dito, sinabi ni Pangulong Duterte na dapat ding ma-imbestigahan ang mga punong barangay na hindi naipaiiral ang nasabing safety protocol sa kanilang nasasakupan.

” Kayong mga barangay captain, do you know that you have committed a crime of dereliction of duty? Tingnan ninyo sa Revised Penal Code, magkonsulta kayo ng abugado. Talagang ang unang ipakulong ko ‘yong barangay captain having committed a crime of dereliction of duty under the Revised Penal Code.”

Tiniyak naman ng punong-ehekutibo sa mga law enforcer na walang dapat na ikatakot sa pagpapatupad ng batas.

“The police are put on notice that they are supposed to arrest. It’s a valid one. Huwag kayong matakot na mag-aresto ng barangay captain. There is a law which says, the captain must — barangay captain being a person in authority must enforce the law within his jurisdiction.”

Una nang nagbabala si Pangulong Duterte sa mga local chief executive na sisiguraduhin ng pamahalaan na papanagutin ang mga ito kapag mayroong mga paglabag na naitatala sa ilalim ng kani-kanilang hurisdiksyon.

Samantala, nagbabala rin si Pangulong Duterte sa mga indibidwal na pilit labagin ang health protocols na tila baga, ipinagsawalang-bahala lamang ng mga ito ang apela ng national government.

Sinabi pa ng pangulo, ” It’s criminal for you to get the COVID and pass it on to another innocent person. It is really a crime. Naghahanap ako ngayon ng batas na paano ko kayo ipahuli ng pulis tapos detained for committing a crime.”

Kaugnay dito, inatasan na ng DILG ang mga punong barangay na paigtingin ang pagpapanatili ng kaayusan at siguruhin ang pagsunod sa mga patakaran upang mapigil ang tuluyang pagkalat ng coronavirus.

Kung matatandaan noong Mayo 9, may tatlong superspreader event na naganap kagaya ng mass gathering sa Gubat sa Ciudad sa Caloocan city kung saan 20 ang nagpositibo sa COVID-19.

Noong May 9 hanggang May 11, sunod-sunod naman na party ang isinagawa sa Barangay Nagkaisang Nayon sa Quezon City kung saan 54 ang nag-positibo.

Habang nitong Linggo lang, May 23, sa Barangay Matictic sa Bakas River, sa Norzagaray, Bulacan ay nagkaroon ng swimming at picnic kung saan patuloy naman ang pagsasagawa ng contact tracing dito.

Dahil dito, maglalabas ng isang memorandum circular ang DILG kung saan bibigyan nito ang mga punong barangay ng mas malaking responsibilidad.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.