Mga pari at madre naghain na din ng petition sa SC vs. Anti-Terrorism Law

Nadagdagan pa ang humahabang listahan ng mga petisyon laban sa Anti-Terrorism Law.

Ngayong Miyerkules ay naghain ng Petition for Certiorari and Prohibition sa Korte Suprema ang ilang mga pari at madre na miyembro ng Association of Major Religious Superiors in the Philippines o AMRSP at mga miyembro ng Catholic Laity.

Nakasaad dito na “unique” ang kanilang petisyon dahil binibigyang-diin dito ang paglabag ng Anti-Terrorism Law sa “freedom of religious expression” ng Simbahan kaya marapat na ideklarang “unconstitutional.”

Dahil din anila sa naturang batas, ang misyon ng Simbahan ay nahahadlangan at apektado sa negatibong paraan.

Ayon kay Father Angelito Cortez, ang executive secretary ng AMRSP, hindi kailangan ng bansa ng isa na namang “inhumane and opprossive law.”

Ang kailangan aniya ng bansa ngayon ay mga batas na magdadala ng hustisya, kapayapaan at integridad.

Dagdag pa ni Father Cortez, ang mga taong Simbahan ay “servants” ng Panginoon at hindi mga terorista.
Sa ngayon, nasa 30 na ang mga petisyon laban sa kontrobersyal na Anti-Terrorism Act.

Inaabangan na ang oral arguments dito ng Korte Suprema, na inaasahang idaraos sa ikatlong linggo ng Setyembre.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.