Mga pasyente ng COVID-19, ‘hindi na nakahahawa matapos ang 10 araw – DOH

Pinapayagan sa ilalim ng bagong panuntunan ng Department of Health ang paglabas ng mga pasyente ng COVID-19 na wala nang sintomas matapos ang 10 araw, batay sa pag-aaral na nagpapakitang hindi na nakahahawa ang mga ito matapos ang nasabing panahon.

Inaasahan ang revised “symptoms-based” approach na tataas ang bilang ng mga nakarekober sa bansa, ayon kay DOH undersecretary Maria Rosario Vergeire.

Sa ilalim ng dating sistema, kinokonsiderang cleared ang mga pasyente matapos ang dalawang magkasunod na negatibong resulta gamit ang RT-PCR tests.

“Hindi naman sasabihin ng RT-PCR sa’yo kung ang tao’y nakakapanghawa pa o hindi na. Ang sasabihin lang ng RT-PCR, nade-detect ko pa tung virus sa loob ng katawan mo,” saad nito sa isang online press conference.

Ipinaliwanag ni Vergeire ang protocol at sinabing “As long as the patient does not exhibit symptoms at all, 3 days na, and naka-reach na rin sya ng 10th day nya nung sakit nya, maaari na syang i-clear ng kanyang physician na pwede na syang umuwi.”

Sinasabi ng bagong set ng criteria na inilabas ng World Health Organization na maaaring lumabas na ang mga pasyente matapos ang 10 araw na nagpakita ang mga ito ng sintomas “plus at least 3 additional days without symptoms.”

“With these updated guidelines, makaka-dagdag ito dun sa recoveries natin kasi nga hindi na natin kailangan hintayin magpa-test yung tao bago masabi natin na recovered sya,” ani Vergeire.

Sa revised discharge protocol, sinabi ni Vergeire na tinitingnan ng DOH ang posibilidad na pagbabawas sa karagdagang 14-day quarantine period sa kalahati.

Sa kasalukuyan, sinabi nitong umaabot ng isang buwan bago maalis ang isang pasyente ng COVID-19 mula sa listahan ng active cases, dahil kailangan pa ang panibagong 2-week quarantine matapos ang unang 14 araw sa ospital o quarantine facility.

“We all know now na 10 days pa lang, non-infectious na ang tao but still, we would want to be sure,” aniya pa.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.