Mga PhilHealth execs pinakakasuhan na ng Senado

Pinakakasuhan na ng Senado, kabilang na ang malversation si Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) chief Ricardo Morales at iba pang malalaking opisyal ng state insurer kaugnay sa mga iregularidad sa loob ng nasabing ahensya.

Sa isang panayam, sinabi ni Senator Panfilo Lacson na kabilang sa mga kasong isasampa sa mga ito ay ang paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, National Internal Revenue Code, at perjury.

Aniya, kabilang naman sa pinakakasuhan sina Morales, Fund Management Sector senior vice president Renato Limsiaco Jr., senior vice president at chief information officer Jovita Aragona, maging si senior ICT officer Calixto Gabuya Jr.

Sinabi ng senador na malinaw sa imbestigasyon ng senado na ginawa ng mga nasabing opisyal ang malversation nang inimplementa ng mga ito ang interim reimbursement mechanism (IRM) na hindi sinunod ang circular order nito kung saan ang mga pondo ay ibinigay sa mga dialysis center, infirmary, at maternity center sa kabila ng kinakahrap ng mga ospital na problema dulot ng coronavirus disease 2019 o COVID-19.

“Lumalabas na hindi pa effective ‘yung implementasyon ng IRM, namigay na sila ng pera. Umabot na ng P14.9 billion ang naipamigay,” ani Lacson.

“E doon sa mismong IRM, sa circular, ‘yung 2020-0007, nakapaloob doon na ang date of effectivity after publication sa isang pahayagan of general circulation, tapos ‘and,’ hindi naman ‘or,’ yung pagbigay ng kopya doon sa ONAR, or Office of the National Administrative Register sa UP Law Center. June 11 ‘yung nakalagay doon,” dagdag pa ng senador.

Una nang inamin ni PhilHealth senior vice president Atty. Rodolfo Del Rosario Jr. na iligal ang pamamahagi ng mga opisyal sa pondo ng IRM bago ang Hunyo 11.

“Pangalawa, hindi saklaw ng fortuitous event ‘yung nabigyan nila ng P226 million. Ito ‘yung mga dialysis centers. Pangatlo, walang board resolution kasi in-issue ‘yung IRM, March 20, pagkatapos ang dissemination date ay April 22,” paglalahad pa ni Lacson.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.