Mga pinutulan ng internet service ng PLDT dinagsa ng reklamo, PLDT nagsara

Mistulang pambabastos sa kanilang mga consumers ang ginawang pagsasara ng opisina ng customer service ng Philippine Long Distance Telephone (PLDT) matapos na dagsain sila ng reklamo bunsod na rin sa ginawang pamumutol ng internet service sa kanila mga customers kung kailan nagsimula pa naman ang online class ng Department of Education (DepEd).

Ito ang siyang galit na pahayag ng mga consumers sa nasabing kumpanya makaraan na sila ay saraduhan at sabihan na bumalik na lamang sila bukas para sa kanilang mga concerns o mga reklamo.

“Grabe ginagawa nila sa amin, may quota daw silang pinatutupad fifty person lang daw ang ma-aaccomodate nila at sasabihin na bumalik na lamang kami, dapat handa sila dahil marami silang pinutulan ng internet kung kailan pa naman kailangan na kailangan ng aming mga anak para sa online class, wala silang puso” pahayag pa ng mga customers na naggagaliti sa galit.

Lumalabas na ito na ang ikalawang araw na dinadagsa ng mga reklamo ang PLDT branch sa Antipolo sanhi na rin sa ginawang pamumutol ng internet service sa kanilang mga consumers.

Napagalaman na nagtataka rin ang ibang customers na kahit sila ay updated sa bayad ay pinutol pa rin ng kumpanya ang kanilang internet dahilan upang sumugod ang mga ito sa tanggapan ng PLDT at ipakita ang kanilang mga binayaran.

Sinasabi na nais ng PLDT na bayaran ng kanilang mga consumers ang lahat ng bills simula nang ipatupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) noong buwan ng Marso dahil sa Covid 19.

“Wala silang konsiderasyon sa kalagayan ng kanilang mga customers ngayon pandemya, iniisip lang nila ang kanilang sarili, hindi naman siguro sila malulugi kung hindi pa kami makabayad sa aming mga bills” saad naman ng ilan sa mga consumers.

Dahil dito, nanawagan sila sa kinauukulan o anumang sangay ng gobyerno na sana’y sabihan ang PLDT na magbigay pa ng moratorium o palugit para sa kanilang customers para mabayaran ang kanilang mga bills mas lalo’t kailangan na kailangan ng internet ang kanilang mga anak na nagsasagawa ng online class.

Nabatid na hindi lamang naapektuhan ang mga estudyante sa ginawang pamumutol ng PLDT kungdi pati na rin ang ilang pampublikong paaralan at maging mga pribadong eskwelahan na hindi rin nakapagsagawa ng online class ngayon araw dahil sa kawalan ng internet.

Samantala nahirapan naman ang Antipolo Government na maipatupad ang social distancing sa nasabing tanggapan bunsod na rin sa dami ng tao na dumagsa sa lugar.

Ang ilan sa mga nagawang makapagbayad kaninang umaga na umabot sa quota ay napilitan na lamang na bayaran ng buo ang kanilang mga pending bills habang ang ilan naman ay nag-advance na ng kanilang bayad para masiguro na hindi sila mapuputulan ng internet at hindi maapektuhan ang pag-aaral ng kanilang mga anak.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.