Mga senador, di dapat saluhin ng employer ang COVID testing ng kanilang empleyado

Mariing tinutulan ng mga senador ang panukalang dapat ay ang mga employer ang sumalo sa halaga ng pagpapa-COVID-19 testing ng kanilang mga empleyado bago makabalik-trabaho.

Ayon sa chairman ng Senate Committee on Labor Senador Joel Villanueva, hindi dapat ipasa ng pamahalaan sa pribadong sektor ang responsibilidad ng pagmo-monitor sa COVID-19 cases.

Dapat aniya ay magtulungan ang bansa at mga lokal na pamahalaan para matiyak na magkakaroon ng sistematikong paraan ng testing at surveillance ng mga kaso.

Para kay Senador Francis Pangilinan, hindi katanggap-tanggap na ipaubaya na lamang sa pribadong sektor ang mass testing dahil obligasyon ng pamahalaan ang protektahan ang taumbayan.

Sinabi naman ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto na minamandato ng Bayanihan to Heal as One Act ang gobyerno na pagbutihin ang testing capacity ng bansa.

Kinontra naman ito ni Senador Aquilino ‘Koko’ Pimentel III.

Ayon kay Pimentel, walang probisyon sa Bayanihan law na nagmamandato sa mass testing at sa paggamit ng pondo ng pamahalaan para dito.

Una na rin aniyang sinabi ng Department of Health (DOH) at ng Inter-Agency Task Force (IATF) na hindi kailangang sumailalim sa COVID-19 testing ang mga manggagawang magbabalik-trabaho.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.