Mga senador, iba-iba ang opinyon sa paglalagay ng white sand sa Manila Bay

Iba-iba ang naging reaksyon ng mga senador sa paglalagay ng puting buhangin sa Manila Bay bilang bahagi ng pagpapaganda at rehabilitasyon nito.

Para kay Senador Joel Villanueva, mas mainam kung inilaan na lamang sa ibang pangangailangan ng ating mga kababayan ngayong panahon ng pandemya ang ginastos sa naturang proyekto.

Giit ni Villanueva, hindi madadaan sa pagandahan ang pagprotekta sa kalikasan, lalo na kung kailangang magsakripisyo ng isang lugar para sa ikagaganda lang ng iba.

Aniya, sayang lang ang pondong inilaan dito lalo na’t maraming nagugutom at naghihirap ngayong panahon ng pandemya.

Nais namang malaman ni Senador Panfilo Lacson kung nagsagawa ba ng pag-aaral at konsultasyon ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) bago itinuloy ang naturang proyekto.

Kung sakali aniyang napag-aralan naman itong mabuti, lalo na ang sustainability nito at ang posibleng epekto sa kalikasan, tingin ng senador ay kapaki-pakinabang naman ang proyekto.

Tinatayang nasa ₱349-million ang pondo para sa ginagawang Manila Bay Rehabilitation Program.

Nilinaw na rin ng DENR na ang white sand na ilalagay sa Manila Bay ay gawa sa mga dinurog na dolomite rock mula sa Cebu City at may ihahanda silang engineering interventions para mapangalagaan ito.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.