Mga senador, suportado ang inihaing panukalang franchise renewal para sa ABS-CBN

Ilang mga senador ang nagpahayag ng suporta sa bagong panukalang batas na inihain ni Senate President Vicente Sotto III para mabigyang muli ng prangkisa ang ABS-CBN.

Ayon kay Sotto, nasa anim na mga senador na ang nagpahayag na maging co-author ng kanyang panukala kabilang sina Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Senador Panfilo Lacson, Sonny Angara, Joel Villanueva, Sherwin Gatchalian at Senadora Nancy Binay.

Bukod sa mga na nabanggit, nagpahayag rin ng suporta sina Senate President Pro Tempore Ralph Recto, Senate Minority Leader Franklin Drilon at Senador Francis Pangilinan.

Gayunpaman, ipinunto ng mga senador na hindi nila ito maaaksyunan kaagad hangga’t walang counterpart bill na manggagaling at maaaprubahan ng Kamara.

Sinabi naman ni Senate Public Services Committee Chairperson Senadora Grace Poe na ituturing nilang isa sa mga prayoridad ang panukalang batas oras na umabot na sa kaniyang komite ang nasabing panukala.

Ito ay dahil na rin aniya sa nakitang epekto ng ABS-CBN shutdown at ang pangangailangan ng mas maraming news outlet para makaabot sa mas maraming Pilipino ang balita ngayong may kinakaharap tayong pandemya.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.