Mga sundalong nasawi at nasugatan sa pagbagsak ng C-130, binigyang pagkilala ni Pangulong Duterte

Binisita kagabi ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga sundalong nasawi at nasugatan sa pagbagsak ng C-130 ng Philippine Air Force noong Linggo (July 4) sa Patikul, Sulu.

Sa pagtungo ng pangulo sa Western Mindanao Command (WESMINCOM) sa Zamboanga City, binigyan parangal ng pangulo ang mga nasawi at nasugatan sa insidenteng ito.

Kabilang na dito ang paggagawad ng Order of Lapu – Lapu at pagsaludo sa mga sundalo.

Nakakalungkot ayon sa pangulo ang nangyari, at ramdam niya aniya ang nararamdaman ngayon ng mga sunadalo, lalo’t siya ang tumatayong Commander-in-Chief.

“Alam mo sa totoo lang noong ibinalita sa akin, as usual I go into a process of sorrow, more than anybody else o kasing pareho tayo. The life of a soldier is always valuable whether in the fields of fighting or events such as these,” sabi ni Pangulong Duterte.

Nasawi aniya ang mga ito para sa Pilipinas.

“They died for our country and it behooves upon us to continue the help when they were alive as they are now in heaven,” ayon kay Pangulong Duterte.

Tiniyak ni Pangulong Duterte na ipaaabot ng pamahalaan ang lahat ng tulong na kakailanganin ng pamilya ng mga nasawi at nasugatang sundalo.

“They died for our country and, for that, I am very grateful to those who died and those who suffered and are still suffering now. Gusto ko lang malaman ninyo that we will extend all help at ‘yong ibang medyo naano ‘yong extremities nila, they will have the same prosthesis and all. But burn is a long process to heal,” saad ni Pangulong Duterte.

Ipinangako rin ng pangulo na titiyakin niyang madaragdagan ang benepisyo ng mga sundalo, para sa pamilya ng mga ito.

“We are still working at it. Pero gusto ko lang maiwan, gusto kong maglagay ng malaking pera para sa Armed Forces of the Philippines. Iyan lang ang mabawi ko sa sundalo ko lalo na ‘yong namatay, that their families will be protected, that their families will be comfortable at ‘yong daily living and education of the children will be assured,” pagtatapos ni Pangulong Duterte.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.