Mga sundalong sugatan sa kambal na pagsabog sa Jolo Sulu, pinarangalan

Binigyan ng parangal ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Western Mindanao Command ang unang lima sa 21 sundalong sugatan sa magkasunod na pagsabog sa Jolo, Sulu kamalawa.

Sa ulat ng AFP WestMinCom, ang mga binigyan ng medalya ay sina Sergeant Norman Santiago, Corporal Jesus Genora, Corporal Jeric Gil Villaruz, Private First Class Jay Carbon, at Private Rocelo Abacial, Jr.

Sila ay inilipat sa Camp Navarro General Hospital sa Calarian, Zamboanga City at doon sinabitan ng medalya ni AFP WestMinCom Commander Maj. Gen. Corleto Vinluan, Jr.

Kabilang pa sa 21 sundalo na sugatan sa pagsabog at tatanggap din ng parangal ay sina Private First Class Vincent Malupa, Private First Class Dave Egipto, Private First Class Noel Baccoy, Private First Class Jeffry Domingo, Private Baser Katopon, at Private Jeasrael Sappao.

Samantala nagpaabot naman ng pakikiramay si Maj. General Vinluan sa pamilya ng mga nasawing sundalo sa pagsabog.

Saludo si Vinluan sa ipinakitang kabayanihan ng mga nasawing sundalo sa pagsasakripisyo ng kanilang buhay sa pagsisilbi at pagprotekta sa taong bayan.

Sa nangyaring pagsabog 16 ang namatay kabilang ang dalawang suicide bomber, pitong sundalo, anim na sibilyan, at isang pulis.

Photos courtesy of WestMinCom

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.