Minority bloc, handang tanggapin si dating House Speaker Cayetano sakaling naisin nitong lumipat

Bukas si Minority Leader Benny Abante na ibigay ang kanyang posisyon kay dating Speaker Alan Peter Cayetano.

Ayon kay Abante, malugod nilang tatanggapin sa minorya si Cayetano sakali na lumipat ito sa kanila.

Ngunit duda pa ang kongresista kung may balak na lumipat ng bloc ang dating speaker dahil nagmula na ito sa pinakamataas na pwesto.

Mayroon 25 miyembro ang minorya sa Kamara ngunit ayon kay Abante, posible silang mabawasan at madagdagan matapos na magalaw ang ilang posisyon ngayon sa Kapulungan.

Samantala, irerespeto ni ANAKALUSUGAN Partylist Representative Mike Defensor sakaling palitan siya ni House Speaker Lord Allan Velasco bilang tagapangulo ng House Committee on Public Accounts.

Ayon kay Defensor, hilingin man ni Velasco na manatili siya bilang chair ng komite o hindi ay makikipagtulungan at magtatrabaho lamang umano siya upang maisulong ang legislative agenda ng adminsitrasyon.

Hiling lamang nito na sakaling naisin ng bagong House speaker na maglagay ng ibang mamumuno sa komite ay kausapin sila ng maayos at idaan sa tamang proseso.

Diin nito na hindi ito away sa pagitan ng kung sinong kampo bagkus ay dapat na magtulungan kung paano maaayos ang Kongreso lalo na at nasa gitna pa rin sila ng pagtalakay sa pambansang budget.

“Hindi dapat maging petty dito. Hindi dapat maging away bata na, ‘kami, tanggal kayo. Kayo, tanggal kami.’ Kung ano yung pinakamakakabuti. Pero again, my message to Speaker Lord Velasco, if there will come a point in time na nakikita niya na someone else will be more effective than me, then I will respect that,” diin ni Defensor.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.