Multi-sectoral group na I’M Pilipinas, nagtipon-tipon sa UP Diliman para hikayatin si Mayor Isko Moreno na sumabak sa Presidential race

Naglunsad ng isang pagtitipon ang iba’t ibang sektor sa UP Diliman Campus para hikayatin si Manila Mayor Isko Moreno na lumabang Pangulo ng bansa sa 2022 Presidential elections.

Sa paglulunsad ng I’M Pilipinas, pinangunahan ni dating Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Tim Orbos ang panawagang kumandidatong Pangulo si Mayor Moreno sa susunod na taon.

Kabilang sa mga grupong humihikayat sa alkalde ay ang mga transport group, kabataan, mga barangay officials, religious group, maliliit na vendors, mga professionals na nagmula sa National Capital Region (NCR), Cavite, Bulacan, Rizal, Pampanga, Antique, Cebu, at iba pa.

Inisa-isa ng grupo ang katangiang taglay ni Moreno para pamunuan ang bansa sa susunod na anim na taon.

Kabilang dito ang political will na ginawang sandata para ibalik ang sigla at ganda ng Maynila, kalinisan sa Divisoria at Quiapo, mabilis na pamamahagi ng ayuda noong panahon ng pandemya, pagbibigay ng libreng edukasyon, malinis na pamamahala, tamang paggastos sa pera ng lungsod, dagdag trabaho, at maraming iba pa.

Sinabi ni Orbos, si Moreno ang nakikita nilang susunod sa yapak ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang pansariling interes sa gobyerno bagkus ang kapakanan ng kanyang mga kababayan ang laging una.

Bahagi ng kanilang panghihikayat sa alkalde ay ang sunod-sunod na pagtungo sa iba’t ibang lugar sa bansa para itulak ang kandidatura nito.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.