Mungkahing bigyan ng emergency power si PRRD para linisin ang PhilHealth, di sinang-ayunan ng ilang senador

Hindi sinang-ayunan nina Senate President Vicente Sotto III at Senate Minority Leader Franklin Drilon ang panukala sa Kamara, na bigyan ng emergency power si Pangulong Rodrigo Roa Duterte para maresolba na ang iba’t ibang isyu sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Ayon kay Drilon, may sapat ng kapangyarihan si Pangulong Duterte sa ilalim ng Republic Act 10149 o ang Government-Owned and Control Corporation (GOCC) Governance Act, para magpatupad ng reporma at reorganize ang mga GOCC.

Pinunto ng senador, na kabilang sa mga kapangyarihan ng Pangulo ay ang pagtatalaga ng mga board member ng PhilHealth, pagsasampa ng kasong administratibo at kriminal sa mga tiwaling opisyal, at suspindihin o ilipat ang mga tauhan sa buong ehekutibo.

Dapat na rin aniyang gampanan ng Governance Commission for GOCC (GCG) ang kanilang mandato sa ilalim ng nabanggit na batas… kabilang na dito ang pag-evaluate sa performance ng isang GOCC, at magrekomenda sa Pangulo ng posibleng abolition o privatization ng GOCC.

Dahil dito, sinabi ni Drilon, na hindi na kailangan ng emergency power at tututulan aniya nila ito sa Senado.

Sinang-ayunan naman ni Sotto ang pahayag ni Drilon…

Ayon sa senate president, bagamat hindi niya alam ang nilalaman ng panukalang ito sa Kamara, sila aniya sa Senado ay naniniwalang ano man ang nais nilang ipagawa kay Pangulong Duterte ay maaari na nitong gawin kahit wala ang emergency powers.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.