Nasa publiko ang desisyon kung kwalipikado akong Presidente -Robredo

Iginiit ni Vice President Leni Robredo na tanging ang publiko lamang ang makapagsasabi kung kwalipikado itong maging Presidente matapos sabihin ni President Rodrigo Duterte na hindi ito kwalipikado.

“Hindi naman siya ‘yung magdedesisyon kung qualified ako o hindi, ‘yung taong bayan ‘yung magdedesisyon,” ani Robredo sa isang press briefing.

Matatandaang binanatan ni Pangulong Duterte si Robredo matapos ang komento nito sa isyu ng Visiting Forces Agreement.

“Itong kay Robredo, sabi ko nga ma’am, kung ikaw ang presidente, hindi mo alam ang trabaho mo, dapat alam mo ‘yan kasi abogado ka. You should not open your mouth when we are negotiating because maraming kasalanan ang Amerika sa atin,” saad ng Pangulo.

Ayon pa sa bise na dapat matutong makinig ang pamahalaan sa suhestyon.

“Makakabuti sa atin lahat kapag nakikinig…sa mungkahi, nakikinig sa pagpansin ng mga ibang mga polisiya,” punto nito.

Dagdag pa ng bise na ang mga lider na komukonsulta ay ang mga lider na marunong tumanggap ng kahinaan nito.

Dismayado rin ito sa insultong tugon ng Pangulo.

“Nakakalungkot, pero tayo sige lang. Hindi tayo nagpapaapekto dun,” ani Robredo.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.