National budget 2021, kakayaning maipasa sa Biyernes

Kakayanin ng Kamara na maipasa sa third at final reading ang 2021 General Appropriations Bill.

Sa panayam ng Radyo Pilipinas kay Cavite Representative Boying Remulla, sinabi nito na kahit ibinalik sa period of debates and interpellation ang panukalang pambansang pondo ay kakayanin nila itong maaprubahan sa 2nd at 3rd Reading sa Biyernes, October 16.

Kahapon ay isinalang nang muli ang mga ahensya na hindi na natalakay ang budget sa plenaryo tulad ng Civil Service Commission.

Ayon naman kay Remulla, isang audit group ang binuo ni House Speaker Lord Allan Velasco upang rebyuhin ang budget bago ito ilathla at ipadala sa Senado.

Ito ay upang matiyak at mabantayan na walang magiging anomalya o pagsisingit at tama ang alokasyon ng pondo sa mga distrito at ahensya.

Samantala, nangako naman si Velasco ng ‘sense of statesmanship’ sa Kamara kasabay ng pag-upo nito bilang bagong lider ng Kamara.

Sa kanyang talumpati ay hinimok nito ang mga kasamahan na muling isabuhay ang legasiya ng mga mambabatas na kanilang sinundan bilang mga kinatawan ng bawat Pilipino.

Kasabay nito ay hiniling ni Velasco ang tulong ng mga mambabatas upang maibalik ang tiwala at kumpiyansa ng publiko sa Mababang Kapulungan matapos nga ang kinasangkutan nitong gusot sa speakership issue.

“For sure, any level of redemption will require the collective commitment of every member of this august body. However, such a resolve has to start at the top, and it is to this end that this humble representation has committed to uphold and work for,” diin ni Velasco

Sa huli muli nitong binigyang diin ang kahalagahan na maipakita sa publiko ang kanilang katapatan sa pamamagitnan ng pagiging mabuting ehemplo sa pagtupad ng mga pangako at palabra de honor.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.