NDFP peace consultant, isa pang kasamahan, patay sa QC

Nasa blankong pader ngayon ang Quezon City Police District (QCPD) kaugnay ng pagpatay sa peace consultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at sa isa pa matapos pasukin sa apartment at pagsasaksakin ng limang hindi pa kilalang salarin kaninang madaling araw sa Novaliches.

Kinilala ang lider-aktibistang magsasaka na si Randall “Randy” Echanis, 72, NDFP consultant at kasapi ng NDFP committee on socio-economic reforms.

Sa paunang imbestigasyon ng pulisya ay inakala si Echanis bilang isang “Manuel Santiago” dahil sa nakuhang isang ID.

Natagpuan si Echanis sa tinutuluyang Unit K ng apartment sa No. 14 Petronian St., Brgy. Nova Proper, Novaliches

Ang isa pang biktima ay kinilalang si Louie Tagapia, 48, na natagpuan namang patay sa katabing Unit J ng apartment.

Base sa ulat, dakong 1:35 a.m. kanina nang maganap ang krimen sa ikalawang palapag ng apartment.

Ayon sa testigo na si Rheyvan Dy, nagising siya dahil sa ingay na narinig mula sa ikalawang palapag ng apartment at nang sumilip siya sa bintana ay nakita ang limang lalaki na nagmamadali sa pagtakas.

Dahil dito, tinawag ni Rheyvan ang amang si Reynaldo Dy upang puntahan ang pinagmulan ng ingay at tumambad sa kanila ang wala nang buhay na si Tagapia na nakahandusay sa sahig at nakatali ng nylon cord ang mga kamay sa likuran.

Sumunod na nakita ng mag-ama ang katawan ni Echanis na tigmak din ng dugo at nakahiga sa folding bed.

Agad ipinagbigay-alam ng mga testigo sa may-ari ng apartment na si Fatima Pascual ang natuklasan at humingi sila ng tulong sa barangay.

Sa pagsisiyasat ng SOCO, may saksak sa kanyang ulo si Tagapia habang si Echanis ay sa iba’t ibang parte ng katawan.

Inalis na ng mga imbestigador ang pagnanakaw bilang motibo sa krimen dahil hindi naman kinuha ang mahahalagang gamit ng mga biktima tulad ng laptop.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa krimen at inaalam kung may CCTV sa lugar upang makatulong sa paglutas sa kaso.

Kinumpirma naman ng Anakpawis partylist na si Echanis nga ang isa sa pinaslang kaninang madaling araw sa apartment nito sa Novaliches.

Sinabi ni Anakpawis representative Ariel Casilao, si Echanis ay nagpapagaling sa karamdaman nang pasukin ng mga suspek. Nag-akusa si Casilao na mga “pulis” ang sumalakay sa bahay ng biktima.

Si Echanis ay chairman ng Anakpawis at deputy secretary general ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas. Siya rin ang 3rd nominee ng Anakpawis noong 2010 elections.

“Our anger is beyond words. This is a culture of extrajudicial killings with impunity under the Duterte regime. This is a declaratory act that national leaders of legal-democratic movement are now targeted to be killed by the Duterte regime,” ang giit ni Casilao.

“The entire civil society, human rights advocates and freedom fighters must totally denounce this criminal act,” dagdag pa niya.

Tinawag naman ni NDFP negotiating panel legal consultant Edre Olalia ang pagpaslang kay Echanis na “cold-blooded murder”.

“How then can we encourage people to openly and effectively engage in legitimate causes and advocacies for social and economic reforms if you treacherously silence them?” ani Olalia, pangulo ng National Union of Peoples’ Lawyers.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.